ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Roi Vinzon a.k.a. Gen. Armando Soriano, hindi kinaya ang 'pagladlad' ni Vincent


Laglag ang panga at baso ni Roi Vinzon a.k.a. Gen. Armando Soriano sa episode nitong Lunes ng gabi sa pinag-uusapang primetime series ng GMA na “My Husband’s Lover.”   Nangyari na kasi ang pinaka-inaabangan ng lahat: ang pagtatapat ni Vincent (Tom Rodriguez) sa ama ng kanyang tunay na katauhan bilang isang bakla.   Nauna rito, nagtungo si Gen. Armando sa ospital kung saan naka-confine si Paul (Pancho Magno) para “makipag-areglo” dito matapos siyang sampahan ng kaso ni dahil sa pagtatangka sa kanyang iligpit.  Hinala kasi noon ni Gen. Armando, kabit ni Lally (Carla Abellana) si Paul at ito ang dahilan ng unti-unting pagkasira ng pagsasama nina Lally at Vincent.   Ngunit nanggagalaiti sa galit si Gen. Armando nang ibulalas ni Paul ang sikretong ipinagtapat sa kanya ni Lally: na si Vincent at bakla. Inakala ni Gen. Armando na naninira o 'di kaya ay nagbibiro lang si Paul.   Bago pa makauwi sa bahay si Gen. Armando, nagpahiwatig na si Vincent sa inang si Elaine (Kuh Ledesma) na aaminin na niya sa ama ang kanyang pagkatao– isang bagay na tinutulan ni Elaine dahil alam niya kung ano ang maaaring gawin ng asawa kay Vincent.  Ngunit hindi nagpatinag si Vincent.   Marahil sa sobrang kaba, nasuka si Vincent at nagkulong ito sa banyo. Habang nangyayari ito, dumating naman si Gen. Armando sa kanilang bahay at galit na galit na hinahanap si Vincent.   Nang makaharap ang anak, sinabi ni Gen. Armando kay Vincent ang lahat ng sinabi ni Paul. Nagmungkahi pa ito na “resbakan” si Paul dahil sa paninira nito kay Vincent. Ngunit ayaw ni Vincent gumanti kay Paul dahil para sa kanya ay hindi naman siya na-offend.   Naguluhan si Gen. Armando nang sabihin ito ni Vincent. Hindi na niya kinailangan pang tanungin ang anak dahil sa bibig na niya mismo nanggaling ang mga katagang, “Dad, I’m gay!”   Hindi makapaniwala si Gen. Armando. Noong una ay inakala niyang may mga hidden camera lang at nasa reality show lang sila, at nagbibiro lang si Vincent. Ngunit hindi biro ang ipinagtapat ni Vincent sa kanya – ito ay ang katotohanang kailangan niyang tanggapin.   Akmang sasapakin na ni Gen. Armando si Vincent ngunit mangiyak-ngiyak itong pinigilan ng asawang si Elaine.  Nanginig sa galit at pagkabigla si Gen. Armando at hindi na ito nakapagsalita sa sobrang shock.  Lumuluhang lumabas ng bahay si Vincent, feeling guilty dahil alam niyang nasaktan niya ang damdamin ng kanyang ama.   Samantala, nakasalubong naman ni Vincent si Lally habang papalabas ito ng kanilang bahay. Doon ay dinamayan ni Lally ang kanyang asawa. Ngayong lantad na ang pagiging bakla ni Vincent, malaya na rin kaya itong makakapili kung sino kina Lally at Eric ang kanyang babalikan?   Abangan ang lalong umiigting na mga eksena sa “My Husband’s Lover” mula Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng “Mundo Mo’y Akin” sa GMA Telebabad.   Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa “My Husband’s Lover,” i-follow lang ang @myhusbandslover sa Twitter at i-like ang Facebook page nito sa www.facebook.com/myhusbandslover.  -- Neil Celeste T. Rara, GMA Social Media