Mga katangiang hanap sa boyfriend, inilatag ng sexy Korean star na si Jinri Park
Inihayag ng sexy Korean star na si Jinri Park ang apat na pangunahing katangian na hinahanap niya sa isang lalaki na gusto niyang maging boyfriend. Pasok kaya sa mga katangiang ito ang komedyanteng si Ramon Bautista na minsang umaming may crush sa dalagang Koreana? Sa ulat ni Aubrey Carampel sa "Starbites" ng GMA News TV's Balitanghali nitong Biyernes, sinabing dinagsa ng mga Pinoy ang autograph signing ni Jinri bilang cover girl ng FHM sa kanilang August issue. Basahin: Jinri Park, naghahanap ng boyfriend Inamin naman ni Jinri na hindi pa alam ng kanyang mga magulang ang ginawa niyang pagpapa-sexy sa nabanggit na babasahin. Konserbatibo daw kasi ang kanyang mga magulang at tutol ang mga ito sa ginagawa niyang pagpapa-sexy. Ngunit kung inaakala ng marami na todo na ang pagpapa-sexy ni Jinri sa FHM, sinabi nito na maglalabas siya ng kanyang ikalawang "photo book" sa susunod na buwan na asahan daw na mas sexy kaysa sa una. Pero sa kabila ng kanyang kagandahan, sinabi ng Vampire Ang Daddy Ko star, na nananatili pa rin siyang loveless. Nang tanungin kung ano ang hinahanap niyang katangian sa isang lalaki, sinabi ni Jinri na gusto niya ang Asian, non-showbiz, funny, at mas matangkad sa kanya. Nabalitaan din daw ni Jinri ang ginagawang pag-amin ng komedyanteng si Ramon Bautista sa The Ryzza Mae Show na may crush ito sa kanya. Nang tanungin kung papayag ba siyang makipag-date kay Ramon, mabilis na tugon ni Jinri: "I will date him if he ask me." -- FRJimenez, GMA News