ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

My Husband's Lover: Papaano tatanggapin ng ina na bakla ang pinakamamahal na anak?


Lingid marahil sa kamalayan ng mga tagasubaybay ng pinag-uusapang Kapuso series na My Husband's Lover, ang kwento nito ay hindi lang tungkol sa love story nina Lally, Vincent at Eric. Kuwento rin ito ng pinagdadaanan ng dalawang ina -- sina Elaine at Sol/Sinag -- na pilit umuunawa sa tunay na pagkatao ng kanilang mga anak na bakla.   Papaano nga ba uunawain ang sitwasyon kapag nalamang mong bakla ang iyong anak?   Sa nakaraang mga episode ng "My Husband's Lover," ipinakita sa serye ang magkaibang pananaw ng dalawang ina tungkol sa katauhan ng kanilang mga anak na sina Vincent (Tom Rodriguez) at Eric (Dennis Trillo).   Si Elaine (Kuh Lehdesma), tinuturing niyang hindi natural o hindi ipinanganak na bakla ang anak na si Vincent. Bukod kasi sa may pamilya na ito, maaaring nahawa o nakuha nito ang pagiging bakla sa kanyang paligid tulad sa kamag-anak nila na si Zandro o ZsaZsa (Keempee de Leon).   Samantala, naunawaan at buong-buo naman na tinanggap ni Sol/Sinag (Chanda Romero) ang pagiging bakla ng anak nitong si Eric.   Sa nakaraang linggo ng programa, ipinakita ang magkakaibang opinyon ng pagiging bakla mula sa pananaw ng isang sikolohista at ng dalawang ina.   Ang "My Husband's Lover" ay istorya ni Lally (Carla Abellana) na nagpakasal kay Vincent matapos siyang mabuntis nito.  Pilit naman tinalikuran ni Vincent ang kanyang pagiging bakla at ang kanyang first love at best friend na si Eric noong nasa high school pa sila.   Pero ang tahimik na buhay ni Vincent bilang padre-de-familia ay nagulo nang muling bumalik mula sa Amerika si Eric, na nagpagising sa pinatulog niyang katauhan, ang pagiging bakla. Ang paniniwala ni Elaine   Nang matuklasan ni Elaine ang pinagmulan ng away nina Vincent at Lally, gumawa ito ng paraan upang matulungan ang kanilang pagsasama at pati na rin ang anak.   Naghanap ito ng isang sikolohista na maaaring makatulong sa sitwasyon ng anak.  Naniniwala siya na hindi normal ang pagiging bakla ni Vincent dahil may asawa at anak ito.   Posible nga bang "nahawa" lang si Vincent ng kabaklaan sa pinsan niyang si Zandro na isang transgender, gaya ng hinala ni Elaine?   Nabanggit sa palabas na bagama't sumailalim ang isang bakla sa "conversion therapy," hindi pa rin matatanggal sa sarili na maaakit ito sa kapwa lalaki.   Ipinaliwanag din sa programa na walang sagot o solusyon sa pagiging bakla ni Vincent dahil tulad ng iba, normal ang kanyang sexual orientation.   Ayon kay Raffy Aquino, spokesperson ng grupong Ladlad, "being homosexual is never a choice, it is who we are. The only choice that we have is to accept who we are or to keep hiding our identity."   Walang gamot   Ipinaliwanag ng sikolohista sa isang episode (Agosto 19), na noong 1950s at 1960s ay tinatrato ang homosekswal na "mental illness" na maaaring gamutin dahil sa pagkalito sa sexual orientation.   Ang tinutukoy dito ay ang pag-aaral ni Evelyn Hooker sa National Institute of Mental Health (NIMH). Natuklasan nito at nagkaroon ng consensus ang American Psychological Association na nagsasabing ang pagiging bakla ay positibo at normal na baryasyon ng human sexual orientation.   Para naman kay Elaine, maaaring nagdulot ng pagiging bakla ni Vincent ang kanyang paligid. Ang naturang saloobin ay parehong sinalungat nina Vincent at ng sikolohista.   "We are proud of My Husband's Lover. This is the first time on Philippine TV when a teleserye discussed homosexuality using psychology and relevant facts stressing on homosexuality as a normal human behavior," ayon kay Aquino.   Patuloy pa nito, "For those critics who have been questioning the show as they constantly mention gay therapy as a way of curing Vincent and Zandro, the team were able to come up with a resolution showing that there is no cure for being homosexual and corrected the society's claim that there is."   Payo ni Sinag   Bilang ina, hinanap ni Elaine ang kanyang anak dahil hindi ito umuuwi sa kanilang tirahan. Nagtungo ito sa tirahan ni Eric na naging dahilan upang magkaharap sila ni Sinag.   Ipinakita sa naturang episode (Agosto 21) kung paano nagkakaiba ang pananaw ng dalawang ina sa pagtanggap sa tunay na pagkatao ng kanilang mga anak na bakla.   Paniniwala ni Sinag, "ipinanganak ang mga anak nila na bakla at hindi nila ito pinili."   Katwiran pa niya, bagama't mahirap tanggapin, walang may kasalanan sa pagiging bakla ng kanilang mga anak kaya dapat  tanggapin ito ni Elaine habang maaga pa.   "I love these characters. They represent the two words of how we are being treated in the society— tolerance and acceptance," pahayag ni Aquino.    Patuloy pa nito, "Sol is the epitome of acceptance. She is showing unconditional love to Eric and supporting him all the way."   Paliwanag naman ng ina ni Vincent, tanggap nito ang kanyang anak ngunit hindi ito naging madali para sa kanya lalo pa sa kanyang asawa na si Armando (Roi Vinzon), isang retired general na galit sa mga bakla.   "Elaine is the symbolism of tolerance. She is conservative and after knowing her son's identity, she tried to accept Vincent's sexual orientation but full of 'buts,' 'what ifs,' and 'maybes.' But hopefully, she will eventually love him for who he really is," ani Aquino.   Paano tatanggapin?   Makikita sa mga nagdaang episodes kung paano tinanggap ni Vincent ang kanyang sexual orientation. Ipinaliwanag niya sa ina na mula pagkabata ay iba na ang pakiramdam niya sa sarili dahil naaakit siya sa kapwa lalaki.   Gayunpaman, sa ilang manonood, tila naging debate ang pinagmulan ng pagiging bakla o binabae. Bakit nga ba nagiging bakla ang isang tao? Ano ang dahilan na dulot nito na makikita sa mga baklang karakter na ginagampanan sa palabas?   Ipinakita mula sa simula ng teleserye ang pagiging "out and proud" ni Eric.  Ayon kay Aquino, isang dahilan nito ay ang buong pusong pagtanggap sa kanya ng kanyang ina.   Samantala, ang karakter ni Vincent ay inilarawan bilang "closeted gay," na sa paniwala ni Aquino ay bunga ng pagkakaroon niya ng konserbatibo at estriktong pamilya.   "Vincent is having this dilemma of accepting and showing his true identity because of his family background, his father being a military and his mother being conservative. Basing it on the episodes, Vincent has always been in denial of what he really is until he finally came out of the closet," ani Aquino.   Gayundin, hindi naman daw  maituturing na bakla ang karakter ni Zandro o  ZsaZsa.   "Zandro is not gay, she is a transgender. I have to commend the writers when Vincent told Lally,  'Hindi siya yan' when Zandro dressed up like a man. Transgender male to female should be addressed as women," paliwanag ni Aquino.   Patuloy niya, "They are emotionally and psychologically females. Lately, Vincent has been referring to Zandro as 'ate.'"  Patuloy na subaybayan ang lalo pang umiinit na mga tagpo sa Kapuso primetime series na My Husband's Lover, gabi-gabi sa GMA-7. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News