Umawit ng 'Miss Kita Kung Christmas' na si Susan Fuentes, pumanaw na
Sumakabilang buhay na nitong Sabado ang tinaguriang Queen of Visayan Songs na si Susan Fuentes. Itinuturing klasiko ang ilang sa mga awitin ni Fuentes katulad ng "Usahay," "Matudnila" at ang "Miss Kita Kung Christmas.” Ibinalita sa showbiz talkshow na Startalk TX nitong Sabado ng hapon ang pagpanaw ng 58-anyos na si Fuentes na matagal na ring nakaratay sa National Kidney Institute dahil sa kaniyang karamdaman. Noong nakaraang taon, naging madamdamin ang naging panayam ng "Startalk" kay Fuentes kung saan nanawagan siya sa kaniyang mga anak na makita. Naging tampok na rin sa programa ni Ms Mel Tiangco sa "Magpakailanman" ang buhay ni Fuentes kung saan isiniwalat niya ang pagkakalulong niya noon sa bawal na gamot na dahilan ng pagkasira ng kanyang pamilya. Basahin: “Usahay, Ang Huling Awit ng Puso: The Susan Fuentes Story” Pero sa tulong ng kaniyang pananalig sa Diyos at mga kaibigan, muling nakabangon ang singer na naging tanyag noong dekada 70. Sa kabila ng mga pinagdaanan, hindi naman nawala ang suporta ng ilang kaibigan katulad ng mang-aawit na si Dulce na nagsagawa pa ng fund raising concert para sa pagpapagamot niya. -- FRJimenez, GMA News