Ryzza Mae Dizon, nakaharap ang 'kakambal'
Nakaharap mismo ng Kapuso child star na si Ryzza Mae Dizon ang batang mapagkakamalang kakambal niya dahil sa sobrang laki ng kanilang pagkakahawig. Sa kanilang bayan sa Brgy. Canlalay sa Biñan, Laguna, mistulang celebrity rin ang batang si Nicole Quimzon dahil sa dami ng nagpapa-picture sa kaniya dahil sa nag-aakalang siya si Aling Maliit na si Ryzza Mae. Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo Jessica Soho, hinanap ng production team si Nicole para malaman kung totoo ang pagkakahawig nito sa bulilit dabarkads. At nang dalhin si Nicole sa Eat Bulaga! maging ang ibang host ng noontime show ay hindi makapaniwala sa kanilang nakita -- naging dalawa si Ryzza. Sa unang pagkikita ng dalawa, tila na-starstruck si Nicole at nahiya na makipaglaro kay Ryzza. Pero hindi nagtagal, nakipagsabayan na rin siya sa pagsayaw ng "cha-cha-cha" sa kaniyang idol. Hanggang sa paglabas ng studio, marami pa rin ang nagpa-picture kay Nicole sa pag-aakalang siya si Ryzza. -- FRJ, GMA News