Louise delos Reyes, nag-e-enjoy sa kaniyang 'independent life'
Sa pagsapit ng kaniyang ika-21 kaarawan, bumukod na ang Kapuso leading lady na si Louise delos Reyes sa kaniyang mga magulang upang subukan maging indipedyente at mamuhay na mag-isa. Sa ngayon, mag-isang nakatira ang aktres sa isang condominium sa Metro Manila na ang ipinambabayad niya sa renta ay galing sa kaniyang ipon sa pag-aartista. Sa panayam ng GMA News Online kay Louise sa kanyang birthday celebration na ginanap nitong Miyerkules sa Taguig City, sinabi ng dalaga na isang malaking challenge at malaking responsibilidad sa sarili ang maging independent . "Kapag kasi sinabing 21, you're legal around the world, so, ako naiisip ko kapag legal ka na marami ka ng responsibilities," pahayag ng aktres. Dagdag pa niya, "Sa pagiging 21, siguro marami akong haharaping challenges and ngayon na I'm living alone, mas maraming responsibilities in terms of sinong magbabayad ng bill, sinong magbabantay ng bahay, ng damit ko, sinong magluluto, sinong maggo-grocery— so, lahat 'yon ginagawa ko." Sa ngayon ay sinusubukan pa lang daw ni Louise ang mag-solo sa pamumuhay at so far ay na-e-enjoy niya raw ito. Kasabay ng pagiging solo sa pamumuhay, sinabi ni Louise na kasama sa kaniyang iniisip ang paghawak sa kaniyang kinikita. "Hindi siya mahirap sa una (ang bumukod) kasi very excited parang may place akong papagandahin, lalagyan ng gamit, mag-grocery excited ako, pero mga a week after, doon na ako nag-iisip na shucks 'yong pera ko nasa akin, anong gagawin ko dito?," paliwanag niya. Ayon pa kay Louise, "Nag-open ako ng bank account, so ako nagche-check ng lahat. May mga time na gusto kong tawagan yung Mama ko to ask questions, pero ayaw ko. Para sa akin, meron din akong pinapatunayan sa kanya na I can do this." May gustong patunayan sa sarili Isa rin sa mga dahilan kung bakit nagdesisyon si Louise na mamuhay mag-isa ay dahil may gusto itong patunayan sa kanyang sarili. Aminado naman ang dalaga na hindi naging madali para sa kaniyang ina na payagan siyang mamuhay na mag-isa lalo pa't maganda naman ang buhay ng kanilang pamilya. "Lahat ng nanay dito, siyempre sa una makulit, ite-text ka, 'Anak, okay ka lang ba?' Sometimes magra-rant siya na ang ganda-ganda na ng buhay mo, papahirapan mo yung sarili mo. Parang ako, nakikita ko 'yong good side na she miss me," kuwento ni Louise tungkol sa kaniyang ina na tumatayo ring manager ng aktres. "Pero one time nagtext ako na, 'Ma, sinasadya ko na hindi magtext para kaya ko talagang tumayo sa sarili ko dahil kapag nandiyan ka, dedepend ako ng dedepend sa'yo. If wala ka, magde-depend ako sa sarili ko,'" patuloy ng Kapuso star. Isa raw sa pinag-iipunan ngayon ni Louise ang makabili ng sariling lupa at bahay sa Metro Manila kaya kahit papaano ay hinihigpitan din niya ang sarili. Exclusively dating Samantala, mas "mature" na raw ngayon ang pagtitinginan nina Louise at aktor na si Enzo Pineda, na bida sa ng Kapuso suspenserye na "Dormitoryo." Matapos na muling magkalapit ng loob makaraan ang kanilang breakup last March, "exclusively dating" na muli ang dalawa. (Basahin: Louise delos Reyes, naging emosyunal nang aminin ang breakup nila ni Enzo Pineda) "In a way, parang tapos na kami sa cuddling na 'I love you' ganyan, meron pa rin pero it's not just that. Mas nakakausap ko na siya about life, goals, missions, and visions— 'yon I think ang mas importante para sa isang relationship na you can talk [about] everything and anything under the sun. Ganon kami ngayon na mas buddy-buddy kami," ayon kay Louise. Muling nagkalapit ang dalawa nang magkasama sila sa isang grupo ng variety show na "Sunday All Stars." "Masasabi ko na parang kilalang-kilala namin ang isa't isa without anything... [pero] nararamdaman namin," pahayag ni Louise. Sinabi rin ng dalaga na masaya siya sa natanggap na regalo mula kay Enzo na isang Tiffany and Co. necklace, Bvlgari bag, at isang relo. "I really wished, hindi ko naman sa kanya personally hiningi 'yon pero I wanted it for myself also, may naipon ako so ito ang reward ko para sa sarili ko, birthday gift ko na rin. Tapos biglang [binigay niya]," masayang kwento ng dalaga. Ibinigay umano ni Enzo ang regalong necklace sa technical rehearsal nila para sa "Sunday All Stars" noong Agosto 31 bilang pagsalubong na rin sa araw ng kaarawan ni Louise noong Setyembre 1. Kwento pa ni Louise, "So, kami ni Kuya Kris Lawrence nagulat kami na Happy Birthday! Parang kami, instead na maging masaya, [naisip ko] 'dito talaga ako nag birthday salubong? Dito talaga habang nagpe-perform ako?'" "Kinuha niya sa bahay niya tapos on the way nung pauwi ako, binigay niya sa'kin. Sabi ko 'Seryoso ba to?' Alam mo yung parang ayaw mo gamitin na parang ang tingin ko kasi sa Tiffany super precious lalo na galing sa kanya," pagatatapos ng aktres. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News