ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

2013 Miss Universe Philippines Ariella Arida, tiniyak na gagawin ang lahat para maiuwi ang korona


Kahit wala ng boses, tila hindi ipinalampas ng pambato ng Pilipinas sa 2013 Miss Universe pageant na si Ariella Arida ang pagkakataon na pasalamatan ang mga kababayan na nagbibigay sa kanya ng suporta kanyang laban na gagawin sa Moscow, Russia sa darating na Nobyembre 9. 

Sa kanyang send-off party na idinaos nitong Huwebes sa Gateway Mall, sinabi ni Miss Universe Philippines Ariella na malaki ang naitulong ng ginawang pagpapalaki ng kanya ng mga magulang para makilala niya ng husto ang sarili. 

"Who I am right now, is a part of what they taught me," emosyonal na pahayag ni Ariella. 

Sinabi ni Ariella na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya upang mabigyan ng bagong karangalan ang bansa, matapos magtagumpay si Megan Young na maiuwi sa Pilipinas ang korona ng Miss World. 

Basahin: Si Diva Montelaba na nga kaya ang next beauty queen from showbiz?

"I'm doing all my best to meet the expectations of everyone," pahayag ni Ariella.

Sa kasaysayan ng kompetisyon ng Miss Universe, dalawang beses nang nagtagumpay ang Pilipinas. Una rito si Gloria Diaz na nanalo noong 1969, at pagkatapos ay si Margie Moran noong 1973.

Noong nakaraang taon, naging first-runner up ang pambato ng Pilipinas na si Janine Tugonan.

Idinagdag ni Ariella na nakakatulong sa kanya ang nararamdamang pressure para lalong pagbutihin ang kaniyang performance. 

"The pressure is there but pressure really helps me push my limit to do my best. I just take it in a positive way, that, maybe without pressure I will be relaxed nor challenged. But, when there's pressure, you exert more effort to meet the expectation of the people," aniya.

Nang tanungin kung sino ang inaasahan niyang magiging mahigpit na kakompetensiya sa pageant, sagot niya: "My greatest competitor, I think, will be myself."

Paliwanag niya, "Because if I doubt myself in the first place, I wouldn't make it. So, I'll just rely on myself to do great onthe competition."

Ayon pa kay Ariella, "If you think you'll get the crown, there's no way you won't make it." 

Kung nakilala si Miss Universe 2011 3rd runner-up na si Shamcey Supsup sa kanyang "tsunami walk" at Janine sa kanyang "cobra walk," tiyak na aabangan ng mga manonood ang magiging signature walk ni Ariella.

Sinabi pa ni Ariella na nagsisilbing inspirasyon para sa kanya ang mga kababayan upang pagbutihin ang mga gagawin sa pageant.

"Iniisip ko kayo, actually. Sabi ko kasi sa sarili ko when I won 'Binibini,' na siguro I've done my part to prove something for myself," aniya.

"Siguro, God gave me this for one purpose— to represent our country. From the start pa lang na nanalo ako, sinabi ko na 'For the Philippines.' Hindi ko na kailangang mag-relax, Philippines ang dala kong country," dagdag niya. -- MMacapendeg/FRJ, GMA News