ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ramon Revilla Sr., naniniwalang inosente ang mga anak sa pagpatay sa kapatid na si Ramgen


Ikinalungkot ni dating senador Ramon Revilla Sr. ang hindi pag-apruba ng korte sa petisyon ng kaniyang anak na si Ramon Joseph "RJ" Bautista na makapaglagak ng piyansa. Kaugnay ito sa kasong pagpatay sa kaniyang kapatid na si Ramgen Revilla noong 2011.
 
Sa ulat ng Balitanghali ng GMA News TV, inihayag ng nakatatandang Revilla ang kaniyang paniniwala na inosente sina RJ at isa pa niyang anak na si Ramona sa brutal na pagpatay kay Ramgen, at malubhang pagkakasugat sa kasintahan nitong si Janelle Manahan na naganap sa kanilang bahay sa Paranaque City.
 
"Para akong nabagsakan ng mundo nang malaman ko na ang aking anak na si Ramon Joseph ay hindi nabigyan ng piyansa ng hukuman... Ako po ay naniniwalang hindi magagawa ng anak ko ang ganiyang bagay na karumal-dumal. Ang mga anak ko ay lumaki sa salita ng Panginoon. Isa siyang mabuting anak," ayon kay Mang Ramon na nakilala rin bilang "Agimat" sa mga pelikula.
 
Ilang linggo matapos ang pagpatay kay Ramgen noong Oktubre 28, 2011, nakalabas ng bansa si Ramon, habang dinakip naman ay at ikinulong si RJ.
 
Naghain ng not guilty si RJ sa kasong isinampa sa kanya.
 
Paghingi ng dasal
 
Sa isang pahayag na nilabas noong kaarawan ni RJ, umapela ang dating senador sa publiko na tulungan ang kanilang pamilya na magdasal para sa hustisya kina Ramgen, Ramona at RJ.
 
Ayon kay Atty. Jose Caringal, abogado ng pamilyang Revilla, ang pahayag ni Revilla Sr. ay paraan niya upang ipakita ang kanyang suporta sa kanyang mga anak.
 
"Sabi niya (Revilla Sr.), dalawang taon nang nagdurusa yung anak ko diyan (kulungan). Dati may sakit ako kaya 'di ako makapagbigay ng statement. Ang sabi niya, 'Now that I can communicate, I want them to know the feeling na yung mismong father niya (RJ) knows him to be innocent," aniya.
 
Paliwanag ni Caringal, dahil sa karamdaman ni Revilla Sr., hindi niya personal na maisulat ang kanyang pahayag.  Gayunpaman, nilagay na lamang niya ang kanyang thumbmark sa pahayag na inihanda ng kanyang mga abogado.
 
Sinabi naman ni Genelyn Magsaysay, na masaya na ngayon ang kaniyang anak na si RJ sa ipinakikitang suporta ng ama nitong si Revilla Sr.
 
"Kahit nakakulong siya (RJ), masaya siya kasi naipakita sa kanya ng kanyang tatay na mahal siya nito," pahayag ni Genelyn.
 
At hindi man niya nakikita si Ramona mula nang umalis ito ng bansa noong Nobyembre 2011, naniniwala si Genelyn na " blessing in disguise" ang nangyari.
 
"Blessing in disguise na nasa Turkey si Ramona kasi kung hindi siya nakapag-asawa doon, maaaring nandito siya at maaaring yung nangyari kay Joseph (RJ) ay mangyari rin sa kanya," aniya.
 
Sinabi ni Genelyn na huli niyang nakausap si Ramona ay noon pang 2012.
 
Pinayagan naman ng Parañaque City Regional Trial Court si RJ na makalabas ng bilangguan ng anim na oras sa Oktubre 28 upang mabisita ang puntod ni Ramgen sa Cavite na ikalawang anibersaryo ng pagkamatay nito. -- Mandy Fernandez/FRJ, GMA News