ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Christmas wish ni Ryzza Mae, ma-interview na si PNoy
Hindi laruan o candy ang hangad ng pinakabatang television host sa bansa na si Ryzza Mae Dizon ngayon Pasko. Ang wish ng "aling maliit," makapanayam sa kaniyang programa sa GMA-7 si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III.Noon pa man ay ipinaalam na ni Ryzza na gusto nitong maimbitahan si PNoy sa kaniyang The Ryzza Mae Show. Isa nga daw sa kaniyang nakahandang tanong sa binatang pangulo ay tungkol sa love life nito.
Basahin: Ryzza Mae Dizon, may nakahandang tanong kay PNoy
Mukhang hindi na ito malayong mangyari ngayong may "tulay" na siya sa Malacanang sa pamamagitan ng kapatid ni PNoy na si Kris Aquino at bago niyang kaibigan na si Bimby.
Kasama ni Ryzza sa bago niyang pelikula na "My Little Bossings" ang mag-inang Kris at Bimby, at si Vic Sotto.
Ang kagustuhan na makapanayam si PNoy ay muling ipinaalam ni Ryzza sa panayam na ginawa sa kaniya ng GMANetwork.com sa taping ng Halloween episode ng sitcom na “Vampire Ang Daddy Ko,” kung saan kasama niya sina Vic at Oyo Sotto.
Minsan na rin nabanggit ni Ryzza na kapag nakita niya si PNoy ay sasabihin niya rito na ihahanap niya ito ng magiging asawa.
Si Aquino, 53-anyos, ang unang binatang pangulo ng bansa.
Ilang sa mga babaeng romantikong naugnay kay PNoy ay ang television personalities na sina Shalani Soledad, Grace Lee, at Bianca Manalo.
Kahit mahirap makapanayam si PNoy dahil sa higpit ng schedule ng pangulo, hindi naman daw nawawalan ng pag-asa si Ryzza.
Kung tutuusin, ilan sa mga bigating personalidad na naisalang na ni Ryzza sa kaniyang programa ay sina Susan Roces, German Moreno, Helen Gamboa, Lorna Tolentino, Maricel Soriano, Jaclyn Jose, Kris Aquino, Judy Ann Santos, Celia Rodriguez, Gladys Reyes, Enriquez, Jessica Soho, at marami pang iba.
Maliban sa “The Ryzza Mae Show” at "Vampire Ang Daddy Ko,” mapapanood din si Ryzza sa daily noontime show na "Eat Bulaga!" -- FRJ, GMA News
Tags: ryzzamaedizon
More Videos
Most Popular