Ryzza Mae Dizon, kinuwento kung paano sila naging close ni Bimby
Nahirapan pa noong una si "Aling Maliit" Ryzza Mae Dizon na kausapin ang kaniyang kapareha sa Metro Manila Film Festival entry na "My Little Bossings" na si Bimby Aquino-Yap, ang anak ng aktres na si Kris Aquino at ng basketbolistang si James Yap, dahil Ingles itong magsalita.
Kwento pa ni Ryzza sa ulat ni Nelson Canlas sa "Balitanghali" nitong Huwebes, "Opo [nahirapan po akong makipag-usap sa kaniya]. Kasi english po pero tinuturuan niya po akong mag-english. Siya po tinutulungan ko mag-Tagalog."
Tapos na umano sina Ryzza Mae at Bimby sa kanilang shooting para nasabing pelikula kung saan naging malapit silang dalawa sa isa't isa.
Tanong naman ni Kris sa kaniyang bunsong anak," Gusto mo ba honey? You want to act, you like it? Is it fun for you?"
Ito naman ang naging sagot ni Bimby: "I don't know," pero masaya naman ito sa kaniyang ginagawa sa harap ng kamera.
Bukod pa rito, tuwang tuwa naman si Kris habang pinapanood ang eksena ng kaniyang anak na si Bimby kasama ang Kapuso child wonder na bukod sa sitcom na "Vampire Ang Daddy Ko," ay host din ng Ryzza Mae Show at Eat Bulaga!
Magkakaroon ng guesting si Bimby sa Vampire Ang Daddy Ko, na mapapanood sa Disyembre.
"Conscious sila of the fact na kailangan kami mag-take kasi kailangan ma-release sila 8:00 p.m. dahil nandito 'yong nanay," wika ni Kris sa ulat ni Nelson Canlas sa "Balitanghali" nitong Huwebes.
Samantala, pararangalan sina Bimby at Ryzza Mae bilang Golden Kid of the Year Award sa family event na “Welcoming Life, Love and Care” na idaraos ngayong Disyembre 7 sa SMX Convention Center sa Pasay City. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News