Marian at Dingdong, bakit 'di magbibigayan ng regalo ngayong Pasko?
May simple, may engrande, at mayroon din namang "pass" muna sa bigayan ng regalo sa mga Kapuso star ngayong Pasko.
Sa ulat ng "Starbites" ng Balitanghali nitong Miyerkules, sinabing mamimigay muli ng matatamis na cookies ang singer na si Jolina Magdangal.
Ayon kay Jolina, ito na ang tradisyon at lagi niyang ginagawa tuwing Pasko.
Para naman sa buong pamilya ang naiisip na iregalo ni Lauren Young. Aniya, nais niyang maging bonding moment ang kapasukuhan kasama ang mga magulang at kapatid.
Habang ang aktres na si Lovi Poe, may naisip na raw na pangregalo sa lalaking malapit sa kaniya ngayon na si Rocco Nacino.
"May naisip na ako for him. I can't say, but it's something he really, really likes," ani Lovi.
Ang bida ng dating hit teleseryeng "My Husband's Lover," na si Carla Abellana, isang malambot na bedroom slippers ang hangad na matanggap ngayong Pasko.
Pero ang magkaibigang Tom Rodriguez at Dennis Trillo, hindi na naghintay ng Pasko at sila na mismo ang bumili ng kanilang Playstation 4.
Samantala, ngayong Pasko ay nagpasya ang Kapuso power couple na si Marian Rivera at Dingdong Dantes na hindi na muna magbibigayan ng regalo.
"Nagkasundo kaming dalawa na 'wag munang mag-gift ngayong panahong ito bilang ang daming naganap [na kalamidad]," sabi ni Marian.
Kamakailan lang ay nagtungo sa Iloilo ang dalawa at nagdaos ng Christmas party para sa mga biktima ng bagyong "Yolanda." -- Rie Takumi/FRJ, GMA News