Kris Aquino, gustong magtambal muli sina Bimby at Ryzza Mae
Matapos ang My Little Bossings, nais ni Kris Aquino na makita muli ang anak na si Bimby sa harap ng camera kasama ang Kapuso child wonder na si Ryzza Mae Dizon.
Ang My Little Bossings na pinagbibidahan din ni Vic Sotto, at entry sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ang kauna-unahang pelikula ni Bimby.
"I'm so grateful to Ryzza kasi she shared the spotlight with my son. She's really phenomenal," pahayag ni Kris sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News TVs Balitanghali nitong Martes.
Excited naman ang dalawang bata nang tanungin sa posibilidad na magsama muli sila sa isang proyekto.
Ayon kay Bimby, mami-miss niya si Ryzza na naging malapit na sa kaniya habang ginagawa nila ang pelikula.
Sa premiere night ng My Little Bossings, present ang cast members ng pelikula sa pangunguna nina Vic, Ryzza Mae at Bimby. Nandoon din ang girlfriend ni Vic na si Pauleen Luna at kaibigan ni Kris na si Ai Ai delas Alas.
Ikinuwento naman ni Kris na hindi lang basta comedy ang My Little Bossing.
"Kung magulang ka, makaka-identify ka kasi tinatalakay niya talaga yung buhay ng pamilya na parang yung parents and children, may process ng kapatawaran and acceptance," paliwanag niya. -- FRJimenez, GMA News