ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Comedy at horror films, nanguna sa unang araw ng 2013 MMFF
Nagbigay na ng paunang impormasyon ang pamunuan ng 2013 Metro Manila Film Festival (MMFF) kung ano ang mga pelikulang nanguna sa takilya sa unang araw ng festival nitong Miyerkules, araw ng Pasko.
Sa listahan ng Metro Manila Development Authority (MMDA), namamahala sa MMFF, ang My Little Bossings ang pinaka-pinanood ng mga tao nitong Miyerkules. Sumunod dito ang Girl, Boy, Bakla, Tomboy; pangatlo ang Pagpag, Siyam na Buhay; at pang-apat ang Kimmy Dora (Ang Kiyemeng Prequel).
As of Today: Number 1 ang My Little Bossings. Number 2 ang GBBT. Number 3 ang Pagpag. Number 4 ang Kimmy Dora #MMFF
— MMFF Official (@mmfilmfest) December 25, 2013
Pawang comedy films ang My Little Bossings, Kimmy Dora at Girl, Boy, Bakla, Tomboy. Samantalang katatakutan naman ang Pagpag, Siyam na Buhay.
Kumabit ng P50.4 milyon sa takilya ang My Little Bossings na pinangungunahan nina Vic Sotto, Ryzza Mae Dizon at Bimby Aquino-Yap. Nakalikom naman ng P47.6 milyon ang Girl, Boy, Bakla, Tomboy ni Vice Ganda at Maricel Soriano; at P23.7 milyon naman ang Pagpag, Siyam na Buhay nina Kathryn Bernardo and Daniel Padilla.
Samantala, kasama ni Eugene Domingo si Sam Milby at Angel Aquino sa bagong kabanata ng Kimmy Dora.
Mapapanood din sa festival na tatagal hanggang January 7 ang mga pelikulang Kaleidoscope World (Yassi Pressman at Sef Cadayona); San Pedro Calungsod: Batang Martir (Rocco Nacino at Christian Vazquez); 10,000 Hours (Robin Padilla at Alden Richards); at Boy Golden: Shoot-To-Kill (Gov. ER Ejercito at KC Concepcion).
Kabilang sa mga nanood ng My Little Bossings sa unang araw ng film festival nitong Miyerkules si Pangulong Noynoy Aquino III.
Sa pamamagitan naman ng kaniyang Instagram account, nagpasalamat si Kris Aquino sa mga suporta sa unang pelikula ng kaniyang anak na si Bimby.
Nauna nang sinabi ni Kris na gusto niyang magkaroon muli ng pelikula sina Bimby at Ryzza Mae, na tinawag niyang phenomenal child star. -- FRJimenez, GMA News
Tags: mmff2013, filmfestivals
More Videos
Most Popular