ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

2013 Showbiz Rewind: Love, Intrigue, and Scandal


Napakaraming naganap sa masaya at magulong mundo ng showbiz industry ngayong 2013. May nagmahalan, naghiwalay ng landas, nagbangayan at gumawa ng ingay kahit hindi sila ang nagpakana.
 
Higit pa marahil sa kanilang ginagawang mga trabaho, interesado ang publiko sa personal na buhay ng mga nasa industriya ng showbiz. Kaya naman nagiging laman ng usapan sa bahay, sa lamayan, sa labahan, coffee shop, at kung saan-saan pang tambayan ang mga celebrity kapag may nangyari at naibalita tungkol sa kanila -- maganda man o hindi kaiga-igaya.

 
Old lovers
 
Ngayong 2013, nasubok ang relasyon ng mag-asawang Cesar Montano at Sunshine Cruz. Kasisimula pa lang ng taon, naging usap-usapan na ang pagkakaroon ng problema sa pagsasama ng mag-asawa.
 
Nalaman ito ng media at netizens dahil sa mga post si Sunshine sa kaniyang Instagram account patungkol sa posibilidad ng pagkakaroon ng ibang babae ni Cesar.

At noong Abril, lumabas ang balitang desidido ang aktres na ituloy na ang annulment case kay Cesar. Kasabay nito ang balita na pursigido naman ang aktor na isalba ang kanilang pagsasama at ang kanilang pamilya.

Humantong pa sa demandahan ang gusot sa mag-asawa nang akusahan ni Sunshine ng pang-aabuso o marital rape si Cesar, bintang na itinanggi naman ng aktor.

Nagharap din sa korte ang dating mag-asawa na sina Kris Aquino at James Yap.

Hiniling sa korte ang kontrobersiyal na aktres at TV host ang Temporary Restraining Order noong Marso laban sa dating mister na basketbolista. Ito'y dahil umano sa isang insidente na nangyari sa kanilang dalawa habang binibisita ni James ang kaniyang anak na si Bimby.

Kasunod nito ang paghahain pa Kris sa korte ng temporary at permanent protection order para pagbawalan si James na makalapit sa kaniyang mag-ina.
 
Ang naturang mga petisyon ay sinalungat ng kampo ni James na nauwi rin sa pakikipagkasundo ng magkabilang panig para sa ikabubuti ng kanilang anak na si Bimby.

Sa harap ng sigalot sa kaniyang personal na buhay, inihayag ni Kris sa isang panayam ni Jessica Soho na handa niyang iwan ang industriya ng showbiz kung ang kapalit nito ay kabutihan ng kaniyang mga anak na sina Josh at Bimby.



Sa huli, nagkaroon ng kasunduan sina Kris at James sa visitation rights para sa kanilang anak na si Bimby, na bago matapos ang taon ay pinasok na rin ang showbiz matapos maging bida sa pelikulang My Little Bossings kasama sina Ryzza Mae Dizon at Vic Sotto.
 
Naipakilala na rin ni James ang bagong babae na nagpapasaya sa kaniya na si Mikaela Acazzola, isang Filipino-Italian.

Tila naging taon nga ng demandahan ng mga dating nagmamahalan ang 2013. Bukod kina Cesar at Sunshine, Kris at James, nagharap din sa korte ang mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto.

Kasama sa bangayan ng mag-asawa ang iba pang miyembro ng pamilya Barretto. Ito'y matapos tumestigo para kay Raymart ang magkapatid na Gretchen at J.J. Habang nasa panig naman ni Claudine ang kanilang mga magulang.
 
Ang gusot sa pamilya ay humantong pa sa palitan ng mga masasakit na akusasyon.
 
Maging ang tinaguriang “Comedy Concert Queen” na si Ai-Ai delas Alas ay nakasama sa taon ng hiwalayan at demandahan. Makaraang lamang ng ilang buwan matapos ikasal, pinutol ni Ai-Ai ang pagsasama nila ang kaniyang asawa na si Jed Salang dahil sa alegasyon ng physical abuse.

Pero hindi lang ang mga mag-asawa ang naghiwalay ngayon taon. Naghiwalay din ng landas ang mga love birds na sina Angel Locsin at Phil Younghusband; Jennylyn Mercado at Luis Manzano; Venus Raj at Andrei Felix; Gwendoline Ruais at Mark Bautista; Kristoffer Martin at Joyce Ching; LJ Reyes at Paulo Avelino; Sef Cadayona at Yassi Pressman; Cristine Reyes at Derek Ramsay; Maxene Magalona at Renz Fernandez; at Nikki Gil at Billy Crawford.

New bloom

Ginulat naman ni Charice ang sambayanan nang aminin niya sa mundo na isa siyang tomboy, at mayroon siyang girlfriend na si Alyssa Quijano. Kasabay ng kaniyang paglantad ay pag-usbong ng hidwaan nila ng kaniyang inang si Raquel.
 
Bukod kay Charice na nakahanap ng kaligayan sa kaniyang tunay na pagkatao at bagong pag-ibig, masaya ring nakahanap ng pag-ibig ang aktres na si Heart Evangelista sa katauhan ni Senador Chiz Escudero.
 
Ngunit hindi naging madali ang kanilang pag-iibigan dahil kinailangan niya itong ipaglaban matapos magpahayag ng pagtutol ang kaniyang mga magulang na makipagrelasyon siya kay Escudero.

Isa rin sa mga masuwerteng nakahanap ng pagmamahal ngayong taon na nauwi pa sa kasalan ang 60-anyos na folk legend na si Freddie Aguilar. Pinakasalan ng singer ang kasintahan sa Islamic rites noong Nobyembre ngayong taon.
 
Sa harap din ng dambana humantong ang pagmamahalan ng direktor at ngayo'y Taguig Rep. Lino Cayetano sa kaniyang 23-anyos na girlfriend na si Fille Cainglet, dating volleyball player ng Ateneo University.

Nagpalitan din ng vows sa altar sina Miss Universe 2011 3rd Runner-Up Shamcey Supsup at nobyo niyang si Lloyd Lee.

Maging ang PBA player-TV host na si Chris Tiu ay lumagay na rin sa tahimik nang magpakasal sila ng kaniyang nobyang si Clarisse Ong sa Vancouver, Canada noong September .

Samantala, wala mang tunog ng kampana, buhay na buhay naman ang pagmamahalan na nabuo o nakumpirma ngayong 2013.

Kabilang na dito sina Vic Sotto at Paulene Luna na hindi na lihim ang relasyon ngayon sa kabila ng malayong agwat ng kanilang edad.

Kinumpirma naman ng Kapuso actress na si Bubbles Paraiso na boyfriend na niya ang businessman na si Atticus King, na ex-boyfriend ni Iza Calzado.

Gayundin ang relasyon nina Kylie Padilla at Aljur Abrenica, at sina Bela Padilla at Neil Arce.

May bago ring pag-ibig ang Kapuso actress na si Jean Garcia, na isang negosyante na pinili niyang huwag pangalanan dahil na nais niyang maging pribado ang kaniyang buhay pag-ibig.

Scandals

Dalawang insidente naman ng sex scandal ang naging laman ng mga balita ngayong taon.
 
Hindi man nila ninais, kumalat sa internet ang private videos nina Chito Miranda at Neri Naig, at umano'y video ni Wally Bayola at isang dancer.
 
Inamin at humingi ng paumanhin ang singer ng Parokya ni Edgar na si Chito sa pagkalat ng nasabing private video nila ni Neri. Habang hindi naman nagbigay ng pahayag at tila nanahimik si Wally tungkol sa iskandalo.

Humingi rin ng tulong si Chito Miranda sa National Bureau of Investigation para malaman kung sino ang nag-upload ng kanilang private video sa internet.
 
Sinabi ni Chito na ninakaw ang hard drive ng kaniyang computer sa bahay kung saan nakalagay ang naturang kopya ng kanilang video.
 
Samantala, kasunod ng pananahimik ng komedyanteng si Wally ay hindi na rin siya napanood sa noontime show na Eat Bulaga!.
 
Inihayag naman ni Vic Sotto na kailangan ni Wally na humingi ng paumanhin sa publiko sa nangyaring iskandalo kung papayagan siyang bumalik muli sa programa.

Bago rin matapos ang taon, nasangkot din sa kontrobersiya si Anne Curtis bunga ng umano'y pananampal nito at pagsisigaw sa isang kilalang bar sa Taguig City.

Humingi ng paumanhin si Anne sa nangyari pero iginiit niya na naging biktima siya ng masamang biro sa naturang bar. Nagkaayos din naman at nagkalinawan ang ilang personalidad na nasangkot sa kaguluhan. -- Mac Macapendeg/FRJimenez, GMA News