Joey de Leon grills Joey Marquez in 'Startalk'
Natatawang inamin ni Joey Marquez na kinakabahan siya sa one-on-one interview sa kaniya ng tukayo niyang si Joey de Leon sa showbiz talk show ng GMA-7 na Startalk nitong Sabado.
Sa kabila ng kaba, naging magaang at masaya ang panayam ni De Leon kay Marquez, na mapapanood sa bagong Kapuso series na Paraiso Ko'y Ikaw kasama sina Kim Rodriguez at Kristoffer Martin.
Kwento ni Marquez, seryoso at iyakan ang role na kaniyang gagampanan sa serye na kakaiba sa karaniwang niyang mga papel na nagpapatawa.
Pero bago nito, isa-isang sinagot ni Marquez ang mga maintrigang tanong ni De Leon tulad ng kung sino sa mga babae sa buhay niya ang kaniyang pinakaminahal.
Sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga unang letra ng pangalan ng mga babaeng naugnay kay Marquez, hindi naman nito itinanggi na espesyal ang pagtingin niya kay "A" dahil ito ang kaniyang pinakasalan noon.
Ang tinutukoy ni Marquez ay si Alma Moreno, na kamakailan lang ay napabalitang hiwalay na rin sa huli nitong napangasawa na si Marawi City Mayor Sultan Fahad "Pre" Salic.
Ayon kay Marquez, napanood niya ang interview kay Alma at nalulungkot siya dahil ang tanging hangad niya ay maging masaya ito kasama si Salic.
Nang tanungin kung may balak ba si Marquez na mag-aasawa din uli, sagot ng aktor: "Mag-aasawa din naman ako siguro siyempre . Kaya lang aasikasuhin ko lang muna mga anak ko ngayon pagkatapos nun, 'pag naglakihan na sila mag-aasawa rin ako."
Hindi naman itinanggi ni Marquez na may babaeng nagpapasaya sa kaniya ngayon, sabay biro pa na marami.
Tungkol naman sa usaping pulitika, sinabi ni Maquez na wala sa isip niya ngayon ang 2016 elections at pagtakbo sa anumang posisyon.
"Siguro ang tanong dito kung gusto pa ng tao ang serbisyo ko. Kahit ano naman gusto mong takbuhin pwede, ang tanong e gusto ka ba nila," paliwang ni Marquez na dating naging alkalde ng Paranaque. -- FRJ, GMA News