Kim Rodriguez at ex-gf ni Kristoffer Martin na si Joyce Ching, may isyu nga ba?
Dahil love triangle sila sa bagong Kapuso soap na "Paraiso Ko'y Ikaw," hindi maiwasan na maintriga sina Kim Rodriguez at ang ex-girlfriend ni Kristoffer Martin na si Joyce Ching.
Sa ulat ni Lhar Santiago sa "Chika Minute" ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing sweet na sweet sina Kim at Kristoffer sa ipinakitang eksena sa serye habang tumatakbo sa dalampasigan.
Dahil mature role ang gagampanan ni Kim sa serye, tinanong ang dalaga kung handa na ba siyang sumabak na sa kissing scenes at magpakita ng kaunting skin.
"Siguro hindi maiiwasan 'yon kasi nga sa isla pero iyan napaghandaan ko na yung mga ganyan kaya abangan n'yo," pahayag niya.
Aminado rin si Kim na nakakaramdam siya ng kaba at pressure sa bagong soap lalo pa't ang batikang direktor na si Bb. Joyce Bernal ang mangangasiwa nito.
"Hindi naman maiiwasan yung pressure sa lahat ng bagay, kasi, lalong-lalo na po si Bb. Direk Joyce Bernal po ang direktor namin. Pero siguro po yung pressure kong 'yon is good kasi 'pag napi-pressure ka, mas lalo mong ginagalingan," paliwanag niya.
Masaya raw ang aktres na si Kristoffer ang kanyang katambal sa "Paraiso Ko'y Ikaw" dahil nagkatrabaho na sila noon sa "Kakambal ni Eleana" kaya gamay na nila ang isa't isa.
Pero dahil ka-love triangle nila sa "Paraiso Ko'y Ikaw" si Joyce Ching na dating kasintahan ni Kristoffer, hindi kaya magkaroon ng problema sa kanila?
"Wala naman akong problema kung sila po dati o wala na sila ngayon. Pero kasi po hindi naman ako nakikialam sa mga ganyang isyu. Aako lang po, ginagawa ko lang po'yung trabaho ko," paliwanag ni Kim. -- FRJ, GMA News