Ai Ai on Vic Sotto: 'Hindi ko alam na ganun kalalim ang pagmamahal sa akin ni Bossing'
Matapos mapawalang-bisa ang kasal niya kay Jed Salang sa Amerika, marami ang nagtatanong kung iibig pa kayang muli ang kinikilalang concert comedy queen na si Ai Ai Delas Alas.
Sa panayam ng showbiz talk show na "Startalk TX" nitong Sabado, sinabi ni Ai Ai na magkahalo ang kaniyang nararamdaman ngayong deborsiyada na siya.
“Mixed emotions ang nararamdaman ko siyempre. Masaya ako kasi ito na yung closure nung pag-aasawa ko pero siyempre may certain sadness dun sa puso ko," ayon sa batikang aktres.
“Wala namang babaeng gustong diborsiyada siya, hiwalay. Siyempre lahat ng babaeng nag-asawa, ang goal niyan matagal ang magiging mag-asawa nila, matagal yung magiging pagsasama nila," dagdag pa niya.
Dahil hindi siya American citizen, nilinaw din ni Ai Ai na si Jed ang nag-file ng divorce.
Kasama umano sa kasunduan nila ng kampo ng dating asawa ang pag-atras ng mga kaso na isinampa niya sa lalaki tulad ng pananakit.
Ngunit kahit hiwalay na sila ni Jed, sinabi ni Ai Ai na nanatiling maganda naman ang relasyon niya sa kaniyang father in law dahil naging mabuti umano ito sa kaniya.
Tungkol kay Jed, hindi pa raw handa ang aktres na kausapin nang masinsinan ang dating mister.
“Hindi pa ako ready na makipag-usap, makipag-heart-to-heart talk. Hindi pa ako ready," ayon sa aktres. "Dun siguro sa sarili ko, in my heart, kaya kong magpatawad. Kasi for my peace of mind na rin kaya tina-try ko siyang patawarin.”
Nang tanungin kung handa na ba siyang magmahal muli, sinabi ni Ai Ai na maaaring hanggang date na lang muna siya pero hindi pa ang muling pakikipagrelasyon.
Pagmamahal at respeto kay Bossing
Samantala, napag-usapan din si Vic Sotto dahil minsang nabanggit ng aktor ang pagmamahal nito sa aktres nang makidalamhati ito sa pagpanaw ng biological mother ng huli.
Sinabi pa ni Vic na exaggerated ang ibinalita ni Ai Ai na aabot sa kalahating milyong piso ang inabuloy niya para sa namayapang ina ng aktres.
"Sabi ko sa kanya, ‘Huwag mong i-deny,’” natawang kwento ni Ai Ai sa naging usapan nila ni Vic.
Binigyan-diin ng aktres ang matinding pagmamahal niya at respeto kay Vic kahit nagkakatapat ang kanilang mga pelikula sa film festival.
“Hindi ko alam na ganun kalalim ang pagmamahal sa akin ni Bossing. Kasi ganun din kalalim ang pagmamahal ko sa kanya," ayon kay Ai Ai.
Dagdag pa niya, “Kasi hindi naman ano yun… ang lalaki hindi naman vocal na ganyan. So, nagugulat ako 'pag sinasabi niya sa akin na mahal niya ako."
Biro pa ni Ai Ai, "Alam mo na although maganda ako, na hindi naman natin masisisi kung magkagusto siya sa akin, di ba? Pero pagmamahal na walang malisya.” -- FRJimenez, GMA News