ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Sex pills, nakuha raw sa bulsa ni Vhong, ayon kay Deniece; dalaga, nag-sorry kay Atty. Gozon  


Patuloy ang batuhan ng mga akusasyon ng mga kampo nina Vhong Navarro at Deniece Cornejo. Sa panayam ni Kara David kay Deniece, sinabi ng dalaga na may nakuha umanong "sex pills" sa bulsa ng komedyante nang gabing tangkain daw siyang halayin nito.

Sa ulat ni Kara David sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, sinabi nito na kusang loob na nagpaunlak ng panayam Deniece. Dito ay ikinuwento ng model-stylist kung papaano sila nagkakilala ni Vhong at bakit nabugbog ito ng kaniyang mga kaibigan.

Panoorin: Abogado ni Vhong Navarro, pinanindigang ang aktor ang biktima

Sa naturang panayam, kalmado ang dalaga ay iginiit na hindi niya kailangang umiyak para makakuha ng simpatiya ng mga tao.



Iginiit niya na siya ang tunay na biktima sa mga pangyayari at handa niyang harapin ang anumang magaganap sa kaso para lumabas ang katotohanan.

Kwento ni Deniece, nagkakilala sila ni Vhong sa isang shop ng sapatos at mula noong ay naging magkaibigan sila pero hindi kailanman naging magkarelasyon.

Sinabi pa ng dalaga na kuya lang daw ang turing niya sa aktor. (Basahin: Kampo ni Vhong Navarro, naghain ng reklamo vs. Deniece Cornejo, Cedric Lee, atbp.)

Ilang beses din daw siyang iniimbitahan ni Vhong na lumabas pero 'di raw siya pumapayag. Noong Enero 17, nagdesisyon daw siyang pagbigyan ang aktor na magkita sila sa tinutuluyan niyang condo.

Pero ipinakita ni Deniece ang palitan nila ng mensahe ni Vhong at makikita rin na hindi lubos na kampante ang dalaga na papasukin sa kaniyang condo unit ang aktor.

Nang matuloy ang unang pagpunta ni Vhong sa condo, wala raw nangyari at nagkwentuhalan umano sila ng ng aktor. Hanggang sa maulit ang papunta ni Vhong sa unit ng dalaga noong gani ng Enero 22 nang mag-alok daw ang aktor na magdadala ng pagkain.

Pumayag daw si Deniece dahil pupunta rin naman ang mga kaibigan niya na magkapatid na Bernice at Cedric Lee para sunduin siya at lalabas sila nang gabing iyon.

Ayon kay Deniece, wala siyang masamang inisip sa aktor dahil sa kuya ang tingin niya dito at inakalang bahagi ng pagiging palabiro ang mga ginagawa tulad ng paghawak sa kaniyang buhok.

Pero nang maramdaman na may ibang motibo ang aktor, sinabihan daw niya ito na tumigil.

Nang mangyari ang umano'y pamumuwersa ni Vhong nang gabi ng Enero 22, at pagsaklolo ng grupo ni Cedric, sinabi ni Deniece na may nakuhang "sex pills" o tablet sa bulsa ni Vhong.

Nanindigan si Deniece na walang set-up na nangyari at patunay umano nito ang pagdadala nila kay Vhong sa presinto para maitala ang mga pangyayari.

Dagdag pa ng dalaga, panay ang hingi ng paumanhin sa kaniya ni Vhong. (Basahin: Cedric Lee: 'Ikaw pa nagpalaki nito, binaliktad mo pa kami ngayon')

Si Vhong din umano ang nag-alok na babayaran ang mga nasira sa condo unit at hindi totoo na hiningan nila ito ng pera.

Nakiusap din daw ang aktor na huwag nang ilabas sa publiko ang pangyayari alang-alang sa kanyang pamilya at career.

Dahil itinuring na kaibigan, pumayag daw si Deniece na huwag nang magsampa ng kaso at pinatawad na lang ang aktor.

Ayon pa kay Deniece, may natanggap din siyang mga text mula sa ibang naging biktima rin daw ni Vhong.

Larawan kasama si Atty. Gozon

Kasabay nito, nilinaw din ni Deniece na wala siyang kaugnay kay GMA Network Chairman and CEO Atyy. Felipe L. Gozon na nakitang kasama niya sa isang litrato na nakalagay sa kanyang Instagram account. (Basahin: Statement of GMA Network on the Vhong Navarro story)

Kwento ni Denice, nagkataon lang daw na nagpakuha siya ng litrato noon sa isang event kasama ang kanyang lolo na dating nagtrabaho sa GMA pero hindi si Gozon.

Dahil dito humingi siya ng paumanhin kay Atty. Gozon sa pagkakadawit ng pangalan nito sa kontrobersiya. -- FRJimenez, GMA news