ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

'Pagkalalaki' ni Vhong, dumampi raw sa 'pagkababae' ni Deniece


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nanindigan ang stylist-model na si Deniece Cornejo na panggagahasa ang ginawa umano sa kaniya ni Vhong Navarro. Nakapaloob ito sa 10-pahinang sinumpaang salaysay na isinumite ng 22-anyos na dalaga sa Taguig Prosecutor's Office nitong Miyerkules na basehan ng reklamong rape na isinampa niya sa komedyante.

Sa naturang affidavit, muling isinalaysay ni Deniece kung papaano sila nagkakilala ni Vhong hanggang sa mangyari ang bugbugan sa loob ng kaniyang condomiuim unit sa Taguig City noong Enero 22.

Sa bahagi ng salaysay ng dalaga, sinabi nito na tumawag sa kaniya ang aktor dakong 8:00 p.m. para sabihin na dadaan siya condo at magdadala ng pagkain.

Basahin: Wine at oral sex sa unang pagkikita nila ni Deniece, ayon kay Vhong Navarro


Nang una ay tutol umano si Deniece dahil nakatakda silang umalis ng kaniyang mga kaibigan pero binigyan na rin niya ang hiling ng aktor na tinawag niyang Kuya Vhong.



Ibinilin daw ni Deniece sa guard ng condo na darating ang aktor pero tumawag umano ito sa kanya dahil nalimutan ang kaniyang unit number.

Pero nagulat siya nang nakitang nasa elevator na ang aktor at kasama raw niya itong pumasok sa condo unit.

Basahin: Reklamong rape vs Vhong, isinampa ni Deniece; may penetration o wala, rape 'yon, ayon sa abogado

Umupo raw ang aktor habang siya naman ay nagpunta sa kusina para maghanda ng pagkain. Inalok pa raw niya ng inumin ang bisita pero nagsabi daw ang aktor na, "okay lang ako."

Kasunod nito ay hinaplos daw ni Vhong ang buhok, likod at kamay ng dalaga. Dahil hindi raw siya kumportable sa ginawa ng aktor, sinabihan niya ito na, "Kuya, ayaw ko. Sorry hindi ko talaga ito magagawa."

Nairita umano si Vhong, at hinatak nito ang buhok ni Deniece at hinila sa sofa at pumatong sa dalaga. Nagawa raw niyang makapiglas at nakatakbo sa kwarto pero naabutan siya at pinaghahalikan ng komedyante habang siya ay nagpupumiglas.

Sa isang punto, nakababa na umano ang pants ni Vhong at pilit daw inaalis ng aktor ang short at panty ng dalaga. Nagawa raw ng aktor na mahawi ang bahagi ng short ni Deniece at naramdaman daw ng dalaga na dumampi sa kaniyang pagkababae ang matigas na pagkalalaki ni Vhong.

Habang patuloy na pumipiglas para makawala at makatawag ng tulong, biglang dumating ang kaniyang mga kaibigan at doon na nabugbog si Vhong, hanggang sa dalhin na sa presinto para ipa-blotter.

Nasasaktan sa mga  negatibong puna

Bago ang paghahain ng reklamo, sinabi ni Deniese sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA news "24 Oras," na desidido siyang lumaban sa korte upang ibangon ang reputasyon niya at ng kaniyang pamilya

"Nadawit na ang pangalan ko, reputasyon ko at pamilya ko at mga taong mahal ko. Eto po ang tamang paraan para mabigyan ng leksyon ang mga taong binigyan mo na ng kabutihan sinuklian ka pa ng kasamaan," pahayag niya.

Sinabi Deniece na suportado siya ng kaniyang buong pamilya. Gusto raw sana ng kaniyang ama na nasa ibang bansa na umuwi pero pinigilan niya ito dahil ayaw na niyang makaladlak pa ang pamilya sa gulo.

Ayon sa dalaga, hindi siya uuwi sa kaniyang pamilya hanggang hindi naibabalik ang kaniyang dangal.

Aminado rin siya na mahirap ang kaniyang pinagdadaanan pero ipinagpapasa-Diyos na raw niya ang lahat.

Hindi naman napigilan ni Deniece na maging emosyonal at maluha nang inaming nasasaktan siya sa mga negatibong naririnig at nababasa laban sa kaniya.

"Kung ikamamatay ko, kung ikakukulong ko, ' di ako natatakot. At least may naibigay akong kabutihan at naturan ko ng leksiyon hindi lang si Kuya Vhong pati yung mga taong na walang utang na loob," ayon kay Deniece. -- FRJimenez, GMA News