Musical play na 'Rak of Aegis', kwento ng pagbangon ng isang ginang na biktima ng bagyong 'Ondoy'
Bukod sa nakawiwiling mga awitin ng iconic Pinoy rock band na Aegis, isa sa mga dahilan kung bakit dapat panoorin ang comedy-musical play na "Rak of Aegis" ay ang istoryang tinatalakay nito.
Sa ulat ng Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Sabado, sinabing full house ang PETA Theater Center sa New Manila, Quezon City sa unang gabi ng pagtatanghal ng musical play na pinamahalaan ng Philippine Educational Theater Association.
Sa naturang palabas, inawit ng mga bida ang mga iba't ibang kanta ng bandang Aegis tulad ng "Halik," "Basang-basa Sa Ulan, at "Christmas Bonus."
Ang mga naturang awitin ay binigyan ng iba't ibang twist na swak sa istorya na hango sa ginawang pagbangon ng isang ginang sa Biñan, Laguna na nakaligtas sa pananalasa ng bagyong "Ondoy."
Ayon kay Maribal Legarda, director, hindi pwedeng alisin ang mga pasubok sa mundo pero pwedeng humanap ng paraan kung papaano malalampasan ang mga pagsubok.
Napuno ng kantahan, sayawan at tawanan ang pagtatanghal, at naki-jam pa sa mga aktor ang vocalist ng Aegis.
Ang enggrandeng comedy musical ay halos dalawang taon daw pinaghandaan ng mga bida nito na sina Robert at Isay Alvarez-Sena at ng La diva star na si Aicelle Santos.
Labis naman ang pasasalamat ng Aegis sa patuloy na pagsuporta sa kanila ng publiko at sa pagkakapili ng kanilang mga awitin na maging materyales sa naturang palabas. -- FRJimenez, GMA News