ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jonalyn Viray sa kaniyang unang acting project : 'Sobrang nanginginig ako!'


Mapapanood na sa big screen ang "Pinoy Pop Superstar" grand champion na si Jonalyn Viray simula ngayong Pebrero 26, para sa kaniyang kauna-unahang pelikula na "Cattleya: An OFW Story," kasama ang Kapuso star na si Glaiza de Castro.

Glaiza de Castro at Jonalyn Virasy sa "Cattleya: An OFW Story,". GMANews.TV

Kuwento ng aktres sa premiere night ng naturang pelikula sa SM Megamall Cinema 8 kamakailan, nanginig daw siya nang makasama niya sa eksena si Glaiza. Sa naturang pelikula ipakikilala ang singer bilang aktres.

"Siyempre dahil first time ko, nong first shooting day namin at kasama ko si Glaiza, ka-eksena ko siya, sobrang nanginginig ako, naku! Ayon, kasi first time ko nga po sa big screen," aniya.

Patuloy pa nito, "Although nagkakaroon kami before ng workshops with GMA Artist Center, pero siyempre iba ang pakiramdam kapag nakasalang ka na."

Pero habang tumatagal ay nagiging kumportable na si Jonalyn sa pag-arte sa harap ng kamera.

"Kinompose [composed] ang sarili ko, kasi kapag first time mong gagawin itong bagay na 'to, siyempre sa una kakabahan ka talaga," aniya.  "Pero habang inuulit-ulit naman ang take, mas nagiging relaxed ka tapos sa mga susunod na shoot niya, mas composed ka na."

Ginampanan ni Jonalyn sa pelikula ang karakter ni Rochelle, isang singer sa Hong Kong. Habang nagta-trabaho roon, nakilala niya ang isang lalaki na kalaunang naging asawa nito.

Nagkakilala sila ni Lea (Glaiza) noong elementarya at muling nagkita sa isang grocery store. Ang kaniyang karakter ang tumulong kay Lea na makapagtrabaho sa ibang bansa.

"Friend ako ni Glaiza na tumulong sa kaniya makapag-abroad, makapaghanap ng work sa labas ng bansa kasi isa rin akong OFW na singer, tapos nagkaroon ako ng connection. Tapos ayon, siya naman ang tinulungan ko," kwento ni Jonalyn.

At dahil nakilala si Jonalyn bilang singer sa Pilipinas mula nang magwagi sa "Pinoy Pop Superstar," madali umano nitong naiugnay ang kaniyang sarili sa ginampanang karakter sa nasabing pelikula.
Eksena sa "Cattleya: An OFW Story,". GMANews.TV

"For eight years, singing ang palagi kong ginagawa so mas naging madali for me, kapag sinasabi ni Direk Joric [Raquiza] na ganito ang gagawin mo, a-acting ka lang parang kunwari nagco-concert, so madali ang part na 'yon,"  pahayag ni Jonalyn.

"Kapag may mga eksena naman na kasama ko sila Glaiza, Ate Tess [Tessbomb], more on fun lang kaya naging madali lang din," batid nito.

Dahil na rin sa naturang pelikula, umaasa si Jonalyn na masundan pa ang mga proyekto nito sa pag-arte.

Ang "Cattleya: An OFW Story" ang debut film ni Joric Raquiza na pinagbibidahan nina Glaiza de Castro, Jonayln Viray, Tessbomb, Gerald Santos, at isinulat ito ni Wilson Araya.

Pakikiramay kay Regine

Samantala, magkakaroon din ng major concert si Jonalyn ngayong February 28 na idaraos sa Music Museum sa Greenhills, San Juan.

Magsisilbing guest sa naturang concert sina Regine Velasquez– Alcasid, Kuh Ledesma, at ang first runner-up ng Pinoy Pop Superstar na si Brenan Espartinez.

Inihayag din ni Jonalyn na labis siyang nalungkot nang mabalitaan na pagpanaw na ang ama ni Regine na si Mang Gerry.

"Siyempre hindi natin masusukat kung ano man ang nararamdaman ni Ate [Regine] ngayon, dahil since nag-start siya sa show business, si Mang Gerry na ang umalalay sa kaniya, naging kasama niya," paliwanag niya.

Patuloy pa ni Jonayln, "Ako ang maiko-contribute ko lang, ipagpa-pray ko yong soul ni Mang Gerry at sana ma-comfort ang family ni Ate." -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News
Tags: jonalynviray