ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Arvin 'Tado' Jimenez, galing sa hirap at nagsikap upang bumuti ang buhay


Hindi man ubod ng yaman, ang kwento ng buhay ni Arvin "Tado" Jimenez ay maaaring magbigay ng pag-asa sa mga Pilipinong nasasadlak ngayon sa kahirapan at nangangarap na balang araw ay masisilayan din nila ang magandang bukas.

Arvin "Tado" Jimenez...larawan mula sa Tunay Na Buhay FB fan page

Sa naging panayam ng programa ni Rhea Santos na "Tunay Na Buhay" noong nakaraang Setyembre 2013, inilahad ni Tado ang kaniyang pinagmulan pati na ang paghuli ng isda sa dagat sa madaling araw para may makain ang kaniyang pamilya.

Isinilang si Tado sa Baybay, Leyte noong March 24, 1974 pero lumaki siya at nagkaisip sa Jaen, Nueva Ecija. Naging mananahi sa pabrika ang kaniyang ina at pintor naman sa construction project ang kaniyang ama.

Dahil palipat-lipat ng lokasyon sa trabaho ang ama, inilarawan ni Tado ang buhay noon na "NPA" o "no permanent address."

Pero bakit nga ba Tado ang kaniyang palayaw na tunog mura sa ating salita?

"Ever since the world begun kumbaga 'yon na ang ipinangalan sa akin. Biru-biro lang noon hanggang sa nadala ko na sa paglaki," kwento niya.

Basahin: Komedyanteng si Tado, kabilang sa mga nasawi sa bus accident sa Mt. Province

Sa isang bahagi ng kaniyang buhay, natira ang pamilya ni Tado sa baybay-dagat kung saan namulat siya sa kahirapan.

"Naalala ko noon sa baybayin lang kasi kami nakatira, so yung island life na naliligo sa dagat, kumukuha ng isda sa madaling araw, 'yon na rin yung ulam namin at 'yong sobra doon sa mga nakuha naming isda, e ibinibenta 'yon at yun naman ang pambili namin ng bigas," pagbahagi niya.

Bukod sa edukasyon, ang pagkakapasok ni Tado sa showbiz ang naging daan para mabago ang kaniyang buhay at mabigyan ng magandang kinabukasan ang kaniyang mga anak.

Nakapagtayo na si Tado ng ilang negosyo tulad clothing brand na "Limitado," at tattoo shop sa tinitirhan niya sa Marikina.

Iginapang ang pag-aaral

Kwento ni Tado, aksidente lang ang pagkakakuha niya sa tinapos na kursong psychology sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), tinatawag na unibesidad ng masa dahil sa sobrang mura ng tuition fee.

"Nung time ng enrolment na 'yon walang masyadong pila sa table [ng para sa nabanggit na kurso] lumapit na ako agad, nagsigned up na ako don," paliwanag niya.

Para matustusan ang pag-aaralan, pinasok niya ang iba't ibang pagkakakitaan tulad ng magtatatak sa t-shirt ng iba't ibang grupo, organisasyon, club, at tumanggap din siya ng gawain para sa streamer.

Kilalang buhay ang aktibismo sa PUP kaya naman hindi na kataka-taka na madalas din nakikitang sumasama sa ilang kilos-protesta si Tado para isulong ang adbokasiya tulad ng pagbuwag noon sa sistema ng pork barrel funds.

Gayunman, aminado si Tado na nakakaapekto rin sa kaniyang trabaho sa showbiz ang kaniyang adbokasiya kaya kailangan niya itong balansehin.

Nakapasok sa showbiz

Dahil nasa dugo ang sining, sinabi ni Tado na nagkaroon siya ng pagkakataon na makapasok sa showbiz sa pamamagitan ng pagtambay sa Mowelfund, ang institusyon para sa mga nais matuto ng film making.

Ayon kay Tado, nagkaroon ng art's night sa sikat noong Club Dredd at namangha siya sa isang equipment na naglalabas ng ilaw at mga imahe. Iyon daw ang nais niyang gawin kaya nagtanong siya kung papaano matututo nito at itinuro siya sa Mowelfund Institute, na kaniya namang pinuntahan.

"Pagdating ko doon kinapalan ko na lang ang mukha ko, kinaibigan ko na lang sila. Kung ano-anong gimik ang ginawa ko, nagtitinda ako sa kanila ng sabon hanggang sa nakita nila na araw araw nandun ako. Hindi naman sila para itaboy ako habang nakikinig ako ng lecture ni [Direk] Yam Laranas," pagbahagi ng aktor.

Basahin: Bus na sinakyan ni Tado, kolorum?; plaka ng bus ng Florida, galing sa ibang bus

Mula noon, nakapagtrabaho na rin si Tado sa art department ng Mowelfund hanggang sa mabigyan ng break ni Laranas sa pelikulang "Radyo" na pinagbidahan nina Rufa Mae Quinto at Epi Quizon noong 2001.

Nagtuloy-tuloy na ang pagbukas ng pinto ng showbiz kay Tado at nagkaroon na rin siya ng proyekto sa telebisyon at maging sa radyo.

Paglalarawan ni Lourd de Veyra kay Tado, "Artist na progresibong mag-isip. Magaling magpatawa kasi sensitive siyang tao."

Ayon naman sa kaibigan niyang si Jun Sabayton, masayang katrabaho si Tado.

Sabi naman ni Ramon Bautista, "Si Tado Jimenez, idol ko 'yan pagdating sa komedya saka sa pagpapatawa. Malaking inspirasyon sa akin 'yan sa maraming bagay."

Sambit naman ni Direk R.A. Rivera, "Sira na ulo noon, dati pa [si Tado].  Yung sira niya ng ulo na yun, 'yon yung unique sa kaniya na nadadala niya on cam."

 

Pero pag-amin ni Tado, hindi niya inaasahan ang narating ng kaniyang showbiz career dahil siya man ay hindi bilib sa kaniyang pagpapatawa.

"Hindi ko inaasahan na ganun ang mangyayari kasi unang una hindi ko naman appreciated ang sarili ko as a comedian ako. Well nagti-trip ako, o palabiro ako pero ang problema ko hindi talaga ako yung full breed na comedian," aniya.

Pero bukod sa isang mabuting kaibigan, huwaran ding ama at asawa si Tado sa naiwan niyang asawa na si Lei at apat nilang anak na pawang babae.

May dalawang libro na rin ang naisulat tungkol kay Tado na Bio Eulogy ni Tado Jimenez at "Nag- iisa Lang Ako," na mabibili sa kaniyang shop sa Marikina at sa bookstores.

Pinangarap din ni Tado na mapasok ang pulitika pero nabigo siya nang matalo sa pagka-konsehal ng Marikina nang tumakbo siya nitong nagdaang halalan.

Bahagi ng pangarap ni Tado sa pulitika ay makarating sa Malacanang.

"Gustong kong umabot sa pagiging presidente di ba. May ibang formula, may ibang pwedeng maganap kapag si Tado ay presidente," natatawa niyang banggit. "May projection nga ako, 2021 tatakbo akong presidente."

Nang tanungin kung ano ang aral ng tunay na buhay ni Tado, tugon niya: "Yung tunay na buhay pala ay manatiling kang buhay.  Kasi kapag hindi ka...wala ka dun sa agos, yung iniisip mo na tunay na buhay ay magiging ilusyon na lang." -- FRJimenez, GMA News
Tags: tadojimenez, tado