ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Bert "Tawa" Marcelo: Komedyanteng nakakatawa dahil sa kakaiba niyang tawa
By MAC MACAPENDEG, GMA News
Labing-walong taon na ang nakalipas nang huling marinig sa pelikula at telebisyon ang kakaibang halakhak ng komedyanteng si Bert "Tawa" Marcelo, na nakilala sa mga ginagampanang karakter bilang isang promdi na may tawa na talaga namang nakakatawa.

Larawan ni Bert 'Tawa' Marcelo mula sa FB account ng 'Tunay Na Buhay'
Ayon sa naiwang mag-bahay ni Mang Bert na si Alcia Marcelo, isang magandang aral para sa mga kabataan ng henerasyon ngayon ang buhay at mga pinagdaanan ng kaniyang namayapang mister.
"Para sa mga kabataan, hindi hadlang ang kahirapan sa pagkakaroon ng magandang buhay. Inspite of his hardships in life, like himself, naging somebody siya— from nobody to somebody," wika ni Alicia Marcelo, ang asawa ni Bert Tawa.
Tatak Bert Tawa
Sa isang episode ng "Tunay Na Buhay," kinilala ng host na si Rhea Santos ang komedyanteng si Bert "Tawa" Marcelo, na nag-iwan ng kakaibang tatak ng pagpapatawa sa pamamagitan ng kaniyang pag-ate...at pagtawa.
"Ang imahe ni Bert Marcelo sa madla ay hindi simpleng komedyante. [Siya ay] komedyante na nagpapatawa dahil mayroon siyang nakakatawa at nakakatuwang tawa," pahayag ng pop culture expert na si Jovy Peregrino.
Bata pa lamang si Bert nang makitaan siya ng mga kasamahan sa eskwela ng galing sa pagtatanghal. Sa katunayan, bago pa man ito mapanood sa telebisyon at sa pelikula, nadiskubre na siya ng kaniyang punong-guro.
Dahil nga dito, napasama siya sa isang palabas noong High School kung saan siya ang gumanap na bida.
Gayunpaman, hindi naging madali ang pagtamo ni Bert ng kaniyang mga pangarap. Bata pa lamang siya nang magtrabaho bilang bantay sa palengke habang nag-aaral sa gabi.
Dahil patpatin ang katawan, pinapauna raw si Bert ng mga guro sa pila ng "nutriban," ang tinapay na ipinapamahagi noon sa mga pampublikong paaralan.
Pero dahil sa kaniyang dedikasyon, nakapagtapos si Bert Tawa ng pag-aaral sa Far Eastern University sa edad na 29.
"May goal siya sa buhay [na] maahon sa hirap ang pamilya niya— nagawa naman niya," wika ni Alicia.
Taong 1986 nang lumabas si Bert Tawa sa big screen para sa "Pomposa: Ang Kabayong Tsismosa" (1968) na nasundan ng limang pelikula noong 1969 kabilang ang "D' Musical Teenage Idols!"
"During his college days, member siya ng dramatic club. Then he appeared on TV sa 'Tantarantan' bilang ekstra," kuwento ni Alicia.
Wika naman ng singer na si Dulce, "Nakakatawa kasi siyang comedian kasi he never works on scripts, 'yon ang maganda sa kaniya kasi natural siya, parang automatic talaga na mapapatawa ka niya."
TV at 'Bagong Kampeon'
Mula sa pagiging komedyante, pinasok naman nito ang mundo telebisyon bilang host, at binansagan siyang "King of Emcee" ng kaniyang panahon.
Ayon sa showbiz expert na si Will Flores, "Mabilis siyang mag-react. Mabilis siyang mag-isip. Hindi lang siya magaling magpatawa [pero] kahit anong sitwasyon may sinasabi siya. [Meron siyang] tinatawag na with humor."
Ilan sa mga programa sa telebisyon na naging host at kasama si Bert Tawa ay, "Ang Bagong Kampeon" noong 1985 kasama si Pilita Corales, "Baltic and Company (1974), at Prinsipe Abante (1977).
Huli siyang itong napanood sa pelikulang "Everlasting Love" noong 1989 na ipinagbihan ng dating on-screen partners na sina Romnick Sarmienta at Sheryl Cruz.
Pag-alala ni Sheryl, "Sa set, he can be very quiet kapag nag-act na, doon mo makikita pagka-komedyate niya."
Noong taong 1995, sinubok ni Bert Tawa na pasukin ang mundo ng pulitika. Tumakbo ito sa pagka-gobernador sa Bulacan ngunit hindi ito ipinalad na manalo.
Ilang buwan matapos ang kaniyang pagkatalo, na-comatose si Mang Bert dahil sa aneurism o pagputok ng ugat sa batok. Hindi nagtagal, tuluyan na siyang binawian ng buhay.
Ang naturang yugto ng buhay ng lalaking laging nagpapasaya ay naging mabigat na sandali sa kaniyang pamilya. Umabot sila sa sitwasyon na kailangan nilang pag-usapan at magdesisyon kung tatanggalin ang life support system na nakakabit kay Mang Bert.
"Kasi inapproach na ako nong priest, sabi niya 'if Bert were alive, hindi niya magugustuhan ang mabuhay ng ganyan.' Tapos bigla na lang, siya na bumigay sa sarili niya, nag-malfunction 'yong kaniyang monitor," ani Aling Alicia.
Araw-araw din umanong bumibisita kay Mang Bert sa ospital ang dating nakatrabaho at kapartner nito sa show na si Pilita Corales.
Hanggang sa kasalukuyan, ramdam pa rin ng kanilang pamilya ang pangungulila kay Bert dahil siya raw ay isang mabuting asawa, anak, at ama.
Libro para makilala si Bert Tawa
"Wala pa siyang sakit, sabi niya, 'pag ako namatay ha, sa Bulacan ako [ililibing], ayaw ko dito.' Gusto niya Bulacan, he makes it a point na 'pag may time, nandoon siya sa kaniyang pamilya," pagbahagi ni Alicia.
Nakakalungkot mang isipin na tila nalimutan na ng makabagong henerasyon ang pangalang Bert "Tawa" Marcelo, ang komedyanteng napanood sa pelikulang "Isang Platitong Mani" na mayroong kakaibang halakhak.
Kaya bilang gunita sa ligayang ibinigay ni Bert Tawa sa telebisyon at sa mga pelikula, isinulat ng anak nitong si Gerard Marcelo ang talambuhay ng kaniyang ama, na nagawa lang niya pagkaraan ng 18 taon mula nang pumanaw ang amasiya.
"Madami nang bagong henerasyon ang hindi na kilala si Bert Tawa, kaya mas naging proud ako kasi nakita ko ang pinagdaanan niya [na] talagang from the rocks na kailangan magsimula sa baba, bago ka makapunta sa taas," pahayag ni Gerard.
Ipinakita raw niya sa librong ito kung gaano nitong ipinagmamalaki ang ama. Isinulat din niya ito upang makilala ng kaniyang mga anak kung sino ang kanilang lolo bago ito pumanaw. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News
Tags: tunaynabuhay, berttawamarcelo
More Videos
Most Popular