Alden Richards, aminadong may pagka-'OC' kaya 'di mapakali kapag 'di maayos ang gamit
Aminado ang Kapuso heartthrob na si Alden Richards na may pagka-"OC" o obsessive-compulsive siya. Hindi raw siya mapakali hanggat hindi maayos ang maliliit na bagay sa kaniyang gamit.
Sa ulat ni Nelson Canlas sa "Starbites" ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing marami ang nakapansin sa pagiging sobrang masinop at maayos sa gamit ni Alden.
Sa isang magazine interview, inamin ni Alden na may pagka-"OC" o obsessive-compulsive siya.
Gayunman, tiniyak ng aktor na wala naman daw dapat ikabahala dito at hindi pa niya kailangan na magpasuri sa doktor tungkol sa nabanggit na isang uri behavioral disorder.
Ikinuwento niya na ang kaniyang lola ang nagmulat sa kaniya sa ugali ng pagiging masinop pero tumindi ito sa kanyang paglaki.
Hindi raw siya mapakali hangga't hindi maayos ang ultimo maliliit na bagay sa kanyang pang-araw-araw na buhay.
Tila nakakatulong naman daw sa kanya ang mild case ng pagiging obsessive compulsive dahil nagiging perfectionist siya hindi lang sa trabaho, kungdi maging sa likod ng kamera.
Kasabay nito, labis ang pasasalamat ni Alden sa magandang pagtanggap ng mga Kapuso sa show nila ni Marian Rivera na "Carmela." -- FRJ, GMA News