Teen actor, 3 pang lalaki, nahulihan umano ng iligal na droga sa 7107 Int'l Music Festival
Sa gitna ng idinaos na 7107 International Music Festival sa Logistics Park sa Clark, Pampanga, apat na lalaki -- kabilang isang teen actor at isa pang menor de edad -- ang dinakip ng mga awtoridad matapos umanong maaktuhan na gumamit ng iligal na droga. Sa ulat ng GMA news nitong Martes, kinilala ang mga dinakip na sina Juan Paulo Serafica, 19, at Geano Dionisio, 23. Hindi naman pinangalanan ang aktor at isa pa nitong kapwa menor de edad. Ayon kay Atty. Raine Yadao, spokesperson ng Philippine anti-Drug Enforcement Agency- Region 3, "There is no other way you can deny that kasi huli sa akto. Naaktuhan mga bata na gumagamit ng dried marijuana, strong odor doon sa group na 'yon." Bago inaresto ang apat, nakatanggap na umano ng impormasyon ang PDEA na may mga kabataang gumagamit ng iligal na droga sa concert noong Sabado ng gabi. Dahil dito, nagsagawa sila ng operasyon sa ikalawang gabi. Dalawang araw idinaos ang 7107 IMF sa parehong concert grounds sa Clark, Pampanga. Nakuha ng mga awtoridad sa mga nadakip ang isang stainless box na naglalaman umano ng marijuana dried leaves, isang pirasong marijuane stick, isang asul na tableta na pinapaniwalaang valium, at isang smoking pipe na may marijuana residue. Nasa kustodiya na ng PDEA sina Serafica at Dionisio, habang ipauubaya naman ang dalawang menor de edad sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sa isang pahayag, sinabi ng 7107 IMF organizers na hindi nila hinayaan ang mga iligal na gawain noong festival, na siyang dahilan kung bakit mataas umano ang police visibility noong Sabado at Linggo sa naturang venue. Bukod pa rito, nakikipagtulungan daw sila sa awtoridad kaugnay sa kaso. Samantala, hinihintay na ang commitment order upang mailipat na ang respondents sa kulungan. Hinihintay na rin ang resulta kung mayroon probable cause upang makasuhan ang mga suspek. Sa isang pahayag na unang inilabas ng PDEA, inilarawan nila ang aktor na lumabas sa isang television series na mula sa ibang network. "Teen actor daw. We have a press release that he is an actor," ani Yadao.-- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News