ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Magagarbong costume at tamang paglangoy, pinaghandaan para sa 'Kambal Sirena'


Matinding paghahanda ang ginawa ng produksiyon at cast ng inaabangang bagong Kapuso primetime series na "Kambal Sirena," na pagbibidahan nina Louise delos Reyes at Aljur Abrenica.

Sa ulat ni Cata Tibayan sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, sinabing excited na sina Aljur at Louise para sa kanilang tambalan sa "Kambal Sirena" kung saan pinaghandaan nila ang tamang paglangoy at maging ang mga magagarbong costume.

Nag-aral din ng ilang acrobatic moves ang cast tulad nina Gladys Reyes at Angelika dela Cruz.



Habang nag-diving lessons din sina Louise kasama sina Rich Asuncion at Polo Ravales.

Si Aljur, walang takot na nagsanay para sa kaniyang role bilang trainer ng mga dolphin.

Ayon sa cast, hindi lang ang tamang pagkontrol ng paghinga sa ilalim ng dagat ang inaral nila kundi pati ang pagsisid habang may suot na buntot ng isda.

Napili ng produksiyon ang karagatan ng Anilao, Batangas na pagdausan ng taping ng "Kambal Sirena" dahil itinuturing ito na isa sa mga pinakamagagandang diving spots sa Pilipinas.

Kaya naman hindi lang ang magagarbong props at costume design ang matutunghayan sa "Kambal Sirena" kung hindi maging ang kagandahan at yaman ng karagatan.

Samantala, dinagsa naman ang mall show ng Kambal Sirena nitong weekend sa Pampanga kung saan dumalo mismo sina Aljur at Louise.

Mapapanood ang "Kambal Sirena" simula sa Lunes pagkatapos ng "24 Oras." -- FRJ, GMA News

Tags: kambalsirena