ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Lance Raymundo, umaasang magiging aral sa iba ang sinapit niyang aksidente sa gym


Wala raw balak ang actor-singer na si Lance Raymundo na magsampa ng kaso laban sa trainer o sa pamunuan ng gym matapos mabagsakan ng  80 pound barbell ang kaniyang mukha. Sa panayam sa telepono na iniere sa GMA news "Unang Balita" nitong Martes, inihayag ni Lance na umaasa siya na magdudulot ng leksiyon sa mga naggi-gym ang kaniyang naging karanasan pagdating sa usapin ng kaligtasan. Dahil sa aksidente, nabasag ang ilong at iba pang buto sa mukha ni Lance at kailangan niyang dumaan sa dalawang facial reconstructive surgeries para maayos ang kanyang mukha. Kuwento ni Lance, nakahiga siya sa bench press at iniaabot niya sa trainer ang dumbells nang natabig ng trainer ang lalagyan ng barbell na nasa ibabaw ng kaniyang  ulo at bumagsak sa kanyang mukha. "I don't know kung natisod siya or it's really just an accident, pero yung katawan niya, napa-forward. So yung barbell sa taas ng face ko, accidentally na-dislodge, kaya siya nahulog sa face ko," kwento ng singer-actor.   Posible raw na ikinamatay ni Lance ang aksidente kung tumama sa leeg o sa ibang bahagi ng kanyang ulo ang barbell. "This happened in a simple gym so perhaps yung hook nila ay not as sturdy as those in high end gyms," dagdag niya. Video: Gym safety 101: Mga dapat tandaan tuwing nagwo-workout   Umaasa si Lance na may natutunan ang lahat ng mga nag-gi-gym sa kanyang karanasan. "When things like this happen, there's a reason. Because of this, maraming gymgoers ang maililigtas, now they know how to be safe," aniya. Bagamat hindi naibubukas ang mga mata, maayos na raw ang kalagayan ni Lance. "I know I'll be back, kasi with today's science, walang irreparable, di ba?," puno ng pag-asa niyang pahayag. -- FRJimenez, GMA News