ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ex-sexy star Kuhdet Honasan, nagsalita tungkol sa 'PR' at 'escort service'


Nakilala noon bilang isa sa mga "rebel beauties" si Kuhdet Honasan, at kalaunan ay naging bahagi naman ng "Baywalk Bodies." Sa kaniyang ganda at alindog bilang sexy star, tiyak na maaakit ang mga kalalakihan.

Sa naging panayam sa kaniya ng "Startalk TX" nitong Linggo, sinabi ni Kuhdet na 2009 nang huli siyang lumabas sa pelikula dahil nagpakasal siya sa isang Arabo at nagkaroon ng isang anak.

Nang mawala sa showbiz, negosyo umano ang pinagkaabalahan ni Kuhdet, na ang pangalan ay hango sa salitang "kudeta" at apelyido ng dating rebel soldier na naging senador na si Gringo Honasan.

Ilan sa mga pelikulang nagawa ni Kuhdet ay ang "Maharot," "Takaw-Tingin," "Lollipop & Roses" at "Tukso."
 
Sa ngayon, balik-bansa si Kuhdet at nakita siyang nagso-show sa isang bar sa Metro Manila na dagdag raket [kita] daw sa pagbebenta niya ng condo unit.

Nag-'PR' noon

Sa panayam ng "Startalk," inamin ni Kuhdet na pumasok siya sa "PR" pero hindi umano siya humantong sa pag-e-"escort service" na hindi umano naiiba sa prostitusyon.



Sa naturang ulat ng "Startalk," ipinaliwanag na ang katagang "PR" sa corporate world  ay nangangahulugan ng marangal na pagsasapubliko ng impormasyon tungkol sa kliyente.  Pero sa daigdig ng "escort service" ang PR ay may ibang kahulugan na hindi umano nalalayo sa prostitusyon.

Sa nakaraang April 6 episode ng "Startalk," inamin ni Jeanette Joaquin, na nagtrabaho siya noong bilang "escort service" at "PR" ng mayayamang parokyano na karamihan daw ay pulitiko.

Si Jeanette ay nakasama noon ni Kuhdet sa grupo ng "Baywalk Bodies."

Pero paliwanag ni Kuhdet, kahit nag-"PR"  siya noon ay hindi naman naman siya ng "escort service."

Aniya, hindi naman mahigpit ang pangangailangan ng kaniyang pamilya at kahit papaano ay naibibigay naman daw ng kaniyang mga magulang ang kaniyang mga pangangailangan. Sadya lang daw siyang naging "pasaway" noon.

Paliwanag pa ng dating sexy star, bahagi ng kaniyang trabaho sa pagpi-PR ang pagsama sa kanilang kliyente na naghahanap lang ng makakasama sa mga gimikan tulad ng kareoke bar. Kadalasan daw ay grupo sila at babayaran sila na umaabot ng P10,000 hanggang P15,000 sa loob ng hanggang tatlong oras.

Aminado naman si Kuhdet na may mga kliyente na nag-aaya nang higit pa sa gimik pero tinatanggihan niya ito. May nag-aalok din umano ng mas mataas na presyo para lang pumayag siya.

Sa simula ay aminado siya na na-o-offend siya sa mga alok pero sa pagtagal ay nasayan na rin lang siya at kinakaibigan na lamang ang mga kliyente.

"Minsan ini-expect nila na mauuwi [ka] nila pero sa akin naman kasi una pa lang sinasabi ko na parang, 'o ano lang ha gimik gimik lang tayo ha.,'" kwento ni Kuhdet.

Sa mga taong pumapasok sa higit pa sa pagpi-PR, sinabi ni Kuhdet na, "Siyempre hindi mo naman gagawin ang isang bagay na ganun kung hindi mo naman talaga kailangan. Hindi natin kailangan i-judge yung mga tao sa mga ginagawa dahil hindi natin alam kung ano ang mga pinagdadaanan nila."

Dagdag pa niya, pinasok niya noon ang naturang trabaho dahil wala siyang nakikitang masama sa kaniyang ginagawa. -- FRJimenez, GMA News