Banta raw sa buhay ni Claudine, pinaimbestigahan ng kampo ni Raymart
Kasabay ng paggiit na legal ang kasal nila ni Claudine Barretto sa huwes noong 2004, pinaimbestigahan din umano ng kampo ni Raymart Santiago kung may katotohanan sa isiniwalat ng kaniyang dating asawa na may nagtangka sa buhay nito.
Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, sinabing maanghang ang mga rebelasyon ni Claudine sa "Startalk" nitong Linggo, kung saan inihayag ng aktres na hindi totoo ang kasal nila ni Raymart noong 2004 na ginawa sa Isabela.
Bago kanilang church wedding noong 2006 sa Tagaytay, nagkaroon muna ng civil wedding sa Isabela sina Claudine at Raymart noong May 2, 2004.
"From 2004 kinasal kami sa isabela, akala ko kasal kami the whole time," anang aktres.
Pero ayon kay Claudine, peke umano ito dahil hindi naman daw ito agad narehistro ni Raymart.
Nalaman daw ito ng aktress isang buwan bago ang kanilang pangalawang kasal noong 2006.
"February 24, 2006, a month before the Tagaytay wedding when I couldn't say no anymore and I couldn't back out," aniya.
Sagot naman ng kampo ni Raymart sa pamamagitan ng kaniyang abogado na si Atty. Ruth Castelo, naiparehistro ni Raymart ang kanilang civil wedding pagkalipas ng isang buwan ng kanilang kasal sa Isabela kaya legal ito at hindi peke.
Tanong pa ng kampo ng aktor, bakit daw sasabihin ni Claudine na fake ang kasal kung nagsusumite umano ito sa korte ng kopya ng kanilang marriage contract.
Ginamit daw ito ng aktres nang pag-file noon ng Permanent Protection Order laban sa aktor.
Pero isa pang rebelasyon ni Claudine ang umano'y pagtatangka sa kaniyang buhay. Gaya raw ng tangkang paglason sa kanilang mag-iina at pamamaril daw sa kanilang bahay.
Ang naturang mga insidente ay napa-blotter na raw nila at ang suspek.
"Six gunshots while I was at my balcony... pangatlong attempt sa akin," ani Claudine.
Ayon kay Atty. Castelo, dahil gusto daw malaman ni Raymart kung totoo ang pagtangka sa buhay ni Claudine, pinaimbestigahan nila ito at lumitaw na hindi totoo. -- FRJ, GMA News