ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Willie Revillame, nagsalita na tungkol sa isyung lulong siya sa casino


Matapos manahimik ng ilang buwan, nagsalita na ang negosyante at dating television host na si Willie Revillame tungkol sa mga lumabas na isyu na lulong siya sa casino.

Sa live interview sa kaniya sa "Startalk" nitong Linggo, inusisa ng host na Lolit Solis kung bakit hindi mamatay-matay ang mga balitang nagpapatalo siya ng malaking halaga sa casino.

Bago niya sinagot si Lolit, humingi muna ng paumanhin si Willie sa matagal niyang pananahimik sa isyu at hindi pagsagot sa mga humihingi sa kaniya ng panayam noon tulad ni Ricky Lo na isa rin sa mga host ng "Startalk."

Ayon sa dating tv host, ayaw sana niyang magsalita sa naturang usapin dahil kung tutuusin ay personal na buhay niya iyon.



"Yung perang inilalaro ko sa casino, pera po na pinaghirapan ko 'yan. Hindi 'yan pera ng kahit na sino. Nag-e-enjoy lang ako sa buhay," pahayag ni Willie na isa na ngayong negosyante.

"Kung gusto niyong sagutin ko lahat iyan, babalik ako sa Sunday dito [sa programa] live. Tanungin niyo lahat ng gusto niyong tanungin sa akin; tungkol sa buhay ko, tungkol sa pagka-casino, kung ano ang na-achieve ko," dagdag pa niya.

Handa rin daw si Willie na ipakita sa unang pagkakataon ang lahat ng kaniyang mga naipundar tulad ng kaniyang bahay, eroplano, at ang ipinagagawa niya ngayong hotel sa Tagaytay na ipinagmalaki niyang world class ang dating.

Ayon pa kay Willie, sa naturang ipinapagawang hotel sa Tagaytay niya ibinuos ang kaniyang atensiyon nang mawala siya sa telebisyon noong nakaraang taon.

Tungkol sa mga isyu ng pagbebenta niya ng mga ari-arian na tanda umano ng kaniyang paghihirap sa pera, ipinaliwanag ni Willie na kailangan niyang ibenta ang ilang investment na hindi naman niya napapakinabangan sa halip na patuloy na bayaran ang mga tax nito at monthly dues.

Tungkol sa pagsabak sa pulitika nang matanong naman ng isa pang "Startalk" host na si Heart Evangelista, sinabi ni Willie na maaari namang makatulong kahit wala ang isang tao sa gobyerno.

"Alam niyo napakahirap desisyunan sa buhay niyan. Kasi  gumawa ka ng mabuti, gumawa ka ng masama, masama ka pa rin sa pulitika basta masira ka lang. Sa nangyayari ngayon, papasok ka pa ba sa pulikita? Napakahirap 'di ba," paliwanag niya. -- FRJimenez, GMA News