Kapuso primetime show na 'Niño,' tiyak na kapupulutan ng aral
Excited na para sa kanilang show ang cast ng pinakabagong primetime Kapuso serye na "Niño" na mapapanood sa GMA-7 simula sa May 26. Tiyak daw na may mapupulot na aral sa show ang mga manonood.
Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing matapos ang 10 taon ay balik-bida sa Kapuso primetime ang dalawang "Starstruck" kids alumni na sina Sandy Talag at Miguel Tanfelix.
Excited ang dalawa dahil sa GMA daw nila nabuo ang kanilang pangarap na maging artista.
Sa "Niño," gaganap si Miguel bilang isang special child at siguradong maaantig daw ang puso ng mga manonood sa kanyang role.
Pinag-aralan daw ni Miguel nang husto ang kanyang pagganap.
Kahati ni Miguel sa title role ang child star na si David Remo na bumida noon bilang si "Binoy Henyo."
Kasama rin si Bianca Umali at ang nagbibinatang child stars na sina Renz Valerio at Julian Trono.
Gaganap naman sa isang special role bilang ama ni Niño si Tom Rodriguez.
Ilan sa mga beteranong artista na kasama sa serye ay sina Ms. Gloria Romero, Dante Rivero, Luz Valdez, Ces Quesada at German Moreno.
Kasama rin sina Angelu de Leon, Jay Manalo, Neil Ryan Sese, at Katrina Halili.
Layunin umano ng programa na iparating sa mga kabataan ang kahalagahan ng kagandahang asal. Maging ang paghimok sa mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak na puno ng pag-asa at pagmamahal tulad ni Niño.
Mapapanood na ang "Niño" simula sa May 26 pagkatapos ng "24 Oras." -- FRJ, GMA News