'Harry Potter' star Evanna Lynch, humanga sa katatagan ng mga biktima ni 'Yolanda'
Humanga ang "Harry Potter" actress na si Evanna Lynch sa katatagan ng mga naging biktima ng bagyong "Yolanda" nang bumisita siya sa Tacloban, Leyte. Nanawagan din siya sa publiko na patuloy na tulungan ang mga naging biktima ng kalamidad.
Sa ulat ni Sherrie Ann Torres sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabi nito na kumarga ng baby at umalalay sa pagbibigay ng supplement sa mga bata si Evanna sa health center na pinuntahan niya sa Tacloban City.
Si Evanna, o mas kilala bilang si Luna Lovegood sa "Harry Potter movie series, ay bumisita sa Tacloban bilang UNICEF ambassador ng Ireland.
Sa kaniya raw pag-iikot sa Tacloban nitong Martes, pinahanga siya ng nakita niyang katatagan ng mga nakaligtas sa super typhoon na nanalasa noong nakaraang Nobyembre.
Sakabila raw kasi ng hirap na manirahan sa mga bunkhouses, ay palagi pa rin daw nakatawa ang mga Pilipino at nananatiling masaya.
Aniya, kung sa Ireland daw ito nangyayari at pinatira sa mga ganung uri ng bunkhouses ang isang Irish family, tiyak daw na aalis ang mga ito matapos ang isang araw.
Sakabila nito, mahigpit niyang pinayuhan ang mga bata sa Tacloban na ituloy ang kanilang pag-aaral kahit pa hirap sila ngayon sa buhay. Binigyan-diin ng aktres ang kahalagahan ng edukasyon na magbibigay ng pag-asenso sa buhay ng isang tao.
Batid daw ni Evanna na kailangan pa rin ng mga biktima ni "Yolanda" ang tulong lalo na ng mga bata. Kaya naman kinukuha raw niya ang mga pagkakataon para maipabatid sa mga kabataan ang kalagayan ng mga naging biktima ng kalamidad.
Unang pagkakataon na bumisita sa Pilipinas ang aktres at pabiro niyang inihayag na ang una niyang masasabi tungkol sa Pilipinas ay mainit.
Hindi rin naitago ni Evanna ang pagkagulat at tuwa nang malaman na maraming "Harry Potter" fans sa Pilipinas, na kaniya namang pinasalamatan. -- FRJ, GMA News