Boots Anson-Roa at Atty. King Rodrigo, Jr., pinatunayang walang pinipiling edad ang pag-ibig
Matapos ang kanilang kasal nitong Sabado, inihayag ng bagong mag-asawa na sina Boots Anson-Roa at Atty. King Rodrigo, Jr., na bibiyahe sila sa South Korea para mag-honeymoon.
Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, sinabing ang enggrandeng pag-iisang dibdib nina Boots at Atty. King ang patunay na walang pinipiling edad ang pag-ibig.
Kapwa mahigit apat na taon nang mga biyuda at biyudo sina Boots, 69-anyos, at Atty King, 74-anyos.
Pero kahit pa ikalawang beses na nila itong pagharap sa dambana, parang first time pa rin daw nila.
Kitang kita ang saya kay Boots habang naglalakad siya sa aisle suot ang ecru piña silk wedding gown na gawa ng kaibigang si Eddie Baddeo.
"Halu-halong tuwa, halu-halong nerbiyos, halu-halong maaligaga, pati kabag halu-halo," masayang paglalarawan ni Boots sa kaniyang naramdaman sa muling pagpapakasal.
Kabilang sa kanilang mga ninong at ninang sina Susan Roces at Manila mayor Joseph Estrada.
Masayang pahayag naman ni Atty. King, "We plan to go to South Korea on the first week of July kasi 'di pa napupunta si Boots doon, at doon ang pulut-gata."
Nang tanungin tungkol sa posibilidad ng pag-adopt ng anak, natatawang tugon ni Atty. King; "
"Adopt? Hindi, sarili namin." -- FRJ, GMA News