ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Weng-Weng, pinakamaliit na action star noong 80's


Dekada 80's nang kaaliwan ng mga manonood ng pelikulang Pilipino ang "small but terrible" na si "Weng-weng." At kahit wala na siya, marami pa rin ang kaniyang tagasuporta katulad ng isang dayuhang direktor na gumawa pa ng dokumentaryo tungkol sa kaniyang buhay.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing isa ang dekada 80's sa pinakamaningning na panahon ng pelikulang Pilipino.

At isa sa mga higanteng bituin noon na may taas na tatlong talampakan, ang action star na si Weng-weng.

Kapos man siya sa tangkad, hindi naman sa talento at galing sa martial arts.

Sumikat si Weng-weng nang gumanap siya bilang Agent-00 (double zero) sa pelikulang "For Your Height Only" noong 1981.



Ang naturang pelikula ay spoof ng James Bond film na "For Your Eyes Only."

Ang tubong-Baclaran na si Weng-weng o si Ernesto dela Cruz, ay ipinaglihi raw sa "Ina ng Laging Saklolo," na parating dinarasalan ng kanyang ina.

Hindi lang mga Pinoy ang humahanga kay Weng-weng. Ang Australian film archivist at director na si Andrew Leavold, ilang taong pinag-aralan ang buhay ng aktor.

Noong 2013, natapos niya ang dokumentaryong "The Search for Weng-weng,"  na nakarating at pinag-usapan sa prestihiyosong Cannes Film Festival nitong Mayo.

Sa darating na Hulyo, ipapalabas muli ang dokyu sa ilang sinehan sa Pilipinas.

Matapos ang hindi bababa sa isang dosenang pelikula, pumanaw si Weng-weng noong 1992 dahil sa atake sa puso sa edad na 34.

Sa kabila ng kaniyang naging kasikatan, wala raw naipon ang aktor at tila kinalimutan maging ng panahon.

Ngunit sa kanyang pamilya, maaaring makalimutan ang isang tao pero hindi ang mga alaala kung paano siya nakisama.

At tiyak na hinding-hindi rin mabubura ang naging ambag ni Weng-weng sa pelikulang Pilipino. -- FRJ, GMA News