ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Marian Rivera, 'Sexiest Woman in the Philippines' ng FHM ngayong 2014




Sa ikatlong pagkakataon at pangalawang sunod na taon, ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera ang itinanghal na Sexiest Woman in the Philippines ng FHM ngayong 2014.

Unang nakuha ni Marian ang naturang titulo noong 2008, at sumunod nitong nakaraang taon.

Ayon sa FHM, umabot sa 13 milyon ang naitalang boto sa naturang kompetisyon ngayong taon.

Sa nabanggit na bilang, mahigit 1.5 milyon nito ang kay Marian, na doble sa nakuha niyang 890,490 online votes noong 2013.

Nalaman ni Marian ang kaniyang pagkapanalo sa "Eat Bulaga" nitong Biyernes habang sumasabak siya sa segment na "Juan for All, All for Juan."

Labis naman ang pasasalamat ni Marian sa kaniyang mga tagasuporta na bumoto sa kaniya.

Gumawa ng record

"Totoo ba 'yan.?" Ito  ang naging tanong ni Marian kay Jose Manalo nang ipakita sa screen ang poster na siya ang nanalong sexiest woman ngayong 2014.

Kaagad naman itong nakumpirma ng aktres nang dumating sa programa ang kinatawan ng magazine na sina Allan Hernandez at Allan Altera para ibigay sa kaniya ang patunay na siya muli ang pinaka-seksing babae sa bansa.



Ayon sa kinatawan ng FHM, gumawa ng kasaysayan si Marian dahil siya ang kauna-unahang idineklarang sexiest woman ng tatlong ulit -- hindi lang sa Pilipinas, kung hindi maging sa buong mundo.

Kaya naman labis ang pasasalamat ng aktres sa mga sumusuporta sa kaniya, at sa mga bumoto para muli niyang makamit ang titulong "sexiest woman in the Philippines."

Top 5 list

Ayon sa website ng FHM, pumangalawa naman muli kay Marian ngayong taon ang isa pang Kapuso star na si Sam Pinto na nakakuha ng 1,482,072 boto.

Dalawang beses nang naging FHM Sexiest Woman si Sam noong 2011 at 2012.

Sumunod kay Sam sa ikatlong puwesto si Angel Locsin na may 1,042,226 boto.

Pasok din sa ika-apat na puwesto na may 1,025,702 boto ang "hot mama" na si Jennylyn Mercado.

Si Cristine Reyes na may kabuuang 858,283 boto ang pang-lima.

Sa susunod na linggo umano ihahayag ng FHM ang mga nakapasok sa Top 10 list. -- FRJimenez, GMA News
Tags: marianrivera