Dennis Padilla, emosyunal sa plano ng anak na si Julia Barretto na alisin ang apelyido niyang 'Baldivia'
Kilalang mahusay magpatawa ang komedyanteng si Dennis Padilla. Pero sa panayam ng "Startalk" nitong Sabado, emosyunal na inilahad ng aktor ang kaniyang saloobin sa plano ng anak na si Julia Barretto na legal na alisin ang tunay nitong apelyido na "Baldivia."
Sa live interview ni Ricky Lo kay Dennis sa "Startalk," ipinaliwanag ng komedyante na Dennis Baldivia ang tunay niyang pangalan, at Julia Francesca Barretto Baldivia naman ang tunay na pangalan ni Julia Barretto, na anak niya sa dating asawa na si Marjorie.
Basahin: Dennis Padilla, bakit pumayag na Barretto ang gamitin screen name ng anak na si Julia?
Kuwento ni Dennis, hindi niya pinansin nang unang mabalitaan ang planong paglaglag sa apelyido niyang Baldivia dahil kampante siyang hindi ito gagawin ng anak.
Bagaman aminadong may pagkukulang, naniniwala si Dennis na wala naman siyang nagawang malaking kasalanan para itakwil ng anak ang kaniyang pangalan.
"Noong nakaraang June may nagsabi sa akin taga-Quezon city hall [na] may nag-file nga daw ng change of name. Pumunta ako ng Family Court para alamin kung mayroon ngang petition," kwento ni Dennis.
"Tapos ang sabi sa akin, sabi dun sa inutusan ko na hindi naman daw ako party dun sa petition so kahit wala akong kopya okey lang. Sabi ko hindi ganun 'yon, kasi sigurado [ako] sa petition nakalagay yung Dennis Baldivia as father, so party ako sa petition," dagdag niya.
Kalaunan ay nakakuha naman daw si Dennis ng kopya ng petition at doon niya nalaman na inihain at nakabinbin ito sa korte noong pang Agosto 2013.
Ayon kay Dennis, Pebrero pa niya huling nakita ang anak nang magdiwang siya ng kaarawan. Sa ngayon, sa pamamagitan lang ng text ang komunikasyon niya kay Julia para magkamustahan at magbitian kapag may okasyon.
Noong nakaraang Marso, nais daw sana ni Dennis na puntahan ang anak sa kaarawan nito sa taping. Pero si Julia na rin daw ang nakiusap na huwag tumuloy dahil nandoon ang inang si Marjorie at hindi raw magiging kumportable ang young actress sa ganoong sitwasyon.
Nang makumpirma umano ni Dennis ang petition sa legal na pagpapalit ni Julia ng pangalan, sinabi ng aktor na naisip niya noong una na hayaan na lang kung ayaw gamitin ang kaniyang apelyido.
Batid daw kasi niya ang pagkukulang din bilang ama ng mga bata mula nang magkahiwalay sila ni Marjorie. Dahil hindi na naging stable ang kaniyang karera sa showbiz at pati sa pulitika, unti-unti siyang hindi na nakapagbibigay ng suporta sa mga ito.
“Eventually, nitong past three years, talagang hindi na ako nakapagbigay,” pag-amin ng ng aktor.
Pero ang mga kaibigan daw niya ang nagmungkahi na ipaglaban ang kaniyang pangalan bilang ama kaya naghain sila sa korte ng motion to intervene sa petisyon.
Kung hindi man daw pumanig sa kaniya ang desisyon ng korte, sinabi ni Dennis na tatanggapin niya ito pero tiyak daw na mag-iiwan ng hambuhay na sakit.
“Siguro magkakaroon ka lang ng pain na habambuhay mong dadalhin pero yung pagmamahal pareho pa rin," aniya.
Umaasa pa rin si Dennis na hindi itutuloy ni Julia na alisin ang kaniyang apelyido sa legal na dokumento dahil darating din naman ang panahon na kapag nag-asawa na ito, ang apelyido na ng lalaki ang kaniyang gagamitin.
"Kapag nagkaasawa siya, nagkaanak siya, doon niya malalaman yung importansya ng ipinaglalaban ko,” seryosong pahayag ng komedyante.
Nang hingan ng mensahe para kay Marjorie, umapela si Dennis sa dating maybahay na huwag na umanong idamay ang kanilang mga anak sa kanilang usapin.
Naniniwala si Dennis na napakabata pa ni Julie para maisip nito ang tungkol sa pag-aalis ng apelyido. Bukod dito, sinabi ng aktor na Barretto na naman ang ginagamit na screen ng anak at hindi makababawas sa pagkatao nito ang paggamit sa tunay niyang apelyido.
Mensahe naman niya Julia, sabi ni Dennis: "Julia, lahat kayong mga anak ko mahal ko kayong pantay-pantay. Hindi mo kailangan ‘to, mas kailangan mo galingan yung pag-aartista.” -- FRJimenez, GMA News