35 years and counting: Ano nga ba ang sikreto ng tagumpay ng 'Eat Bulaga!'
Tatlo't kalahating dekada nang nagpapasaya ng mga manonood ang longest running noontime variety show sa Pilipinas, ang "Eat Bulaga!" Tanong ng marami, ano nga ba ang sikreto ng dabarkads para magtagal sa industriya na napakahigpit ang kompetisyon?
Sa ulat ni Lara Roque sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing aabot na sa 10,000 araw na kasama ng mga manonood sa pananghalian ang "Eat Bulaga" dabarkads sa pangunguna nina Sen. Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon.
Basahin: Vic Sotto, nagbabala sa publiko laban sa mga manloloko
Unang umere noong 1979, hindi na mabilang ang mga taong pinasaya ng longest running noon time variety show sa bansa.
Pagbabalik-tanaw ni Joey, "Actually raraket nga lang kami [sa pagpasok bilang hosts ng Eat Bulaga]. Si Vic ang salita noon, 'pare, 'pag nabili ko yung kotse, tigilan na natin 'to."
Dagdag pa ni Joey, inienjoy nila ang bawat araw na magkakasama sila sa programa at hindi nila iniisip na makipagkompetisyon sa iba.
Natatawang pagbahagi naman ni Tito, sila ni Joey ang pumirma ng kontrata para maging bahagi ng programa kaya naman tila napasubo si Vic.
At sa paglipas ng panahon, sa "Eat Bulaga" na rin tumanda sikat na comedy trio noon na Tito, Vic at Joey.
"Yung 35 years numero lang, parang hindi namin napansin. Ako sa sarili ko parang hindi ko napansin na, 'Uy!, 35 years na pala 'yon.' ani Vic.
"Parang balewala [ang paglipas ng panahon] kasi dahil na rin sa mga nabanggit nila kanina na isang pamilya kayo, isang dabarkads kayo," patuloy ni Vic.
Dagdag ni Joey, "Sariwa sa araw-araw, so hindi ko malitanya e, laging bago bawat araw."
At sakabila ng pagtagal ng 35 taon sa ere at patuloy na bumibilang, wala naman daw talaga silang sikreto kung tutuusin.
Basahin: Joey de Leon, tinawag na duwag ang social media users na 'pumatay' kay Vic Sotto
"It is a public service show masquerading as an entertainment program," pahayag ni Sen Tito.
Hiling nila, sa tulong ng mga makanonood at mga dabarkads ay patuloy pa silang makapaghatid ng saya at tulong mula Batanes hanggang Jolo.
Patuloy din ang kanilang pasasalamat sa publiko sa walang sawang suporta. -- FRJimenez, GMA News