Geneva Cruz, hiwalay na sa ama ng kaniyang two-month-old baby
Hindi nag-workout at tuluyang nauwi sa hiwalayan ang relasyon ng singer na si Geneva Cruz at kaniyang Filipino-Australian boyfriend na si Lee Paulsen.
Sa ulat ng "Startalk" nitong Sabado, sinabing naganap ang hiwalayan ng dalawa, dalawang buwan makaraang isilang ni Geneva ang kanilang baby girl.
Agosto 19, 2013 nang maiulat na engaged na si Geneva kay Lee.
Nag-post pa noon ang singer-actress sa kaniyang Instagram account ng larawan nila ni Lee.
Kung natuloy ang kasal nila ni Lee, ito na sana ang ikatlong pagkakataon na ikinasal si Geneva.
Unang ikinasal ang singer-actress sa dating vocalist ng Introvoyz na si Paco Arespacochaga, kung saan mayroon silang isang anak na si Heaven.
Nang mapawalang-bisa ang kasal nila ni Paco, muling ikinasal si Geneva sa TV and radio host na si KC Montero.
Napawang-bisa na rin ang kasal ni Geneva kay KC. -- FRJ, GMA News