Sherwin Nicco Manalo, handa kayang makatrabaho ang amang si Jose Manalo?
Unti-unti nang nakikilala sa larangan ng showbiz ang anak ni Jose Manalo na si Sherwin Nicco Manalo, panganay sa tatlong anak ng sikat na komedyante.
Kamakailan lamang, itinanghal si Nicco na Best Supporting Actor sa Director's Showcase Category para sa pelikulang "The Janitor" sa taunang independent film festival na Cinemalaya, ayon sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali.
Naging matunog din ang kanyang pagtatanghal ng "Kleptomaniacs," ang kinikilalang unang rap musical sa Pilipinas, noong Hunyo. Pinangunahan ni Nicco ang cast ng nasabing musical.
Hindi man nakakausap ng aktor ang kanyang ama, naniniwala raw siyang proud ito sa kanya.
Kasakuluyang nakatira si Nicco kasama ang mga kapatid sa kanilang ina, kasunod ng problemang pinagdaanan ng kanilang pamilya matapos ang paghihiwalay ni Jose at ng asawang si Analyn.
Kaugnay nito, bukas raw ang aktor sa posibilidad na magkausap muli sila ng ama bagama't hindi pa siya handang makatrabaho ito sa ngayon.
Mapapanood rin si Nicco sa "Barber's Tales" kasama ang mga batikang aktres na sina Eugene Domingo at Iza Calzado. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News