ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jam Sebastian, tiniyak na gagawa muli sila ni Mich ng video




Ilang buwan makaraang matuklasan na mayroon siyang lung cancer, patuloy ang pagbuti ng kalusugan ni Jam Sebastian na sumasailalim sa chemotherapy.

Nang kamustahin ng "Startalk," sinabi ni Jam ng sikat na Youtube loveteam na "JaMich" nila ni  Paolinne Michelle “Mich” Liggayu, na sasailalim siya sa kaniyang ikalimang chemo.

"Papunta po ako sa fifth chemo ko po. After po nun last chemo na lang tapos okey na po ako," masayang kwento ni Jam habang katabi ang kaniyang fiancée na si Mitch.

Basahin: Si Mitch ang nag-propose: YouTube love team na JaMich, engaged na

Basahin: 'KMJS' INTERVIEW: Jamich, magkasamang hinaharap ang sakit na cancer

Nang tanunging kung may pagbabago sa kaniyang kalagayan, sinabi nito na mayroon at malaki ang pagbabago.

Sa tulong ng Diyos, naniniwala si Jam na magpapatuloy ang kaniyang paggaling.

Si Mitch, lagi raw ipinapaalala sa nobyo na kaya nila ang pinagdadaanang pagsubok hanggang sa paggaling ni Jam.

Pagtiyak ni Jam, gagawa uli sila ni Mitch ng video kapag gumaling na siya para sa kanilang mga tagasuporta.

"Sa mga followers sobrang ibibigay nilang suporta, sa pagmamahal talagang nakataba ng puso," ani Jam.

Sa nakaraang ulat noong Hunyo, sinabing bumubuti ang kondisyon ng kalusugan ni Jam dahil naging 3.8 centimeters na lang ang tumor nito mula sa dating 11. 9 centimeters makaraang sumailalim sa chemo. -- FRJ, GMA News