ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nora Aunor, tumanggap ng parangal sa UP; may hiling sa mga batang artista ngayon


Kinilala ang tinaguriang 'Superstar' na si Nora Aunor sa taunang Gawad Plaridel sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman (UPD) nitong Miyerkules, Agosto 27.

Iginagawad ang nasabing parangal sa mga natatanging media practitioner sa bansa. Ibinigay ngayong taon ang Gawad Plaridel kay Nora dahil sa kanyang kontribusyon sa pelikula at telebisyon.

Dagdag pa rito, kinilala rin ang galing ni Nora hindi lamang sa pag-awit, kung hindi maging sa pagganap niya sa radyo, telebisyon, pelikula at teatro, at sa kaniyang pagpo-produce ng mga pelikulang may natatanging kalidad sa pamamagitan ng NV Productions at NCV Productions.

Binigyang-pugay din ang paghamon ng Superstar sa pamantayang kolonyal kung saan nagiging huwaran ng kagandahan hindi lamang sa pelikula kung hindi sa tunay na buhay ang mga mestisa.

Sa isang video presentation, ani Dr. Grace Javier-Alfonso, pangulo ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino, “Before Nora, white, chiseled, and Caucasian was the standard of beauty, stature, and admiration.”

Sa pamamagitan ng paggiit niya na kapantay lamang ng anomang uri ng kagandahan ang tikas ng kayumanggi, binigyan niya ng bagong kulay at buhay ang pelikula at lipunang Pilipino.

Ilan sa mga naunang pinarangalan ng Gawad Plaridel sina Eugenia Duran-Apostol (2004, print), Vilma Santos (2005, film), Fidela “Tiya Dely” Magpayo (2006, radio), Cecilia “Cheche” L. Lazaro (2007, television), Pachico A. Seares (2008, community print), Kidlat Tahimik (2009, independent filmmaking), Eloisa “Lola Sela” Canlas (2011, radio), Florence “Rosa Rosal” Danon-Gayda (2012, television), at Jose “Pete” Lacaba (2013, print).

Dumalo sa nasabing parangal ang ilan sa mga kaibigan at kamag-anak ni Nora, pati na sina National Artist Bienvenido Lumbera, manunulat na si Ricky Lee, direktor Joel Lamangan, mga opisyal ng UP System at UP Diliman, mga mag-aaral ng komunikasyon at midya mula sa iba't ibang pamantasan, at ang loyal fans ng aktres.
 
Orihinal na ‘Queen of All Media’

Sa isang pambungad na pananalita, ipinakilala ni Dr. Michael Tan, Chancellor ng UPD, si Nora bilang Patnugot ng Transmedia, matapos siyang makatawid nang matagumpay sa halos lahat ng media platform at umani ng iba't ibang parangal para rito.



Dagdag pa ni Tan, “Para sa pambansang unibersidad, ikaw ang pambansang alagad ng sining.”

Sa pagkilalang inihanda ng UP College of Mass Communication, ibinigay sa aktres ang parangal dahil sa kaniyang taglay na husay nagtakda ng pamatayan ng kagalingan sa larangan ng pagtatanghal sa bansa.

Ilan sa mga pelikulang nagpakita ng kaniyang natatanging galing bilang isang artista ay ang Bona, Himanal, Bakit May Kahapon Pa?, Flor Contemplacion Story, Thy Womb, at Hustisya, na kabilang sa nagdaang Cinemalaya film festival.

Bukod sa mga ito, bumida rin si Nora sa mga palabas sa telebisyon tulad ng Nora Aunor Show at Superstar, kung saan ipinakita niya ang galing sa pag-awit at pagsayaw na nagsimula nang trend sa telebisyong Pilipino. Nagkaroon din siya lingguhang drama anthologies na Nora Cinderella at Ang Makulay Na Daigdig ni Nora na siya namang nagtaglay ng mahusay na pag-arte at makabuluhang pagsasalaysay ng pang-araw-araw na buhay.

Nakapag-produce din ang aktres ng ilang pelikulang makabuluhan at may lalim tulad ng Tatlong Taong Walang Diyos, Condemned, Carmela, at Paru-parong Itim.
 
Artista ng Bayan

Hindi man pinangarap ni Nora na maging artista, wala raw siyang pinagsisisihan sa lahat ng nangyari sa kaniyang buhay.

Ayon sa Superstar, “Lahat ng ginagawa ko ngayon ay paglingon sa aking pinanggalingan.”

Bukod sa pagsasalaysay ng kaniyang simulain hanggang sa pamamayagpag ng karera niya sa pagkanta at pag-arte, nagbigay rin ang aktres ng payo sa mga artista ngayon.

“Kapag isinapuso ninyo ang eksena, at naiintindihan mo ang kaeksena mo, lumalabas na natural (ang lahat),” anang batikang aktres.

Hindi rin daw dapat ikabahala kung may kakulangan sa workshop ang artista.  Ani Nora, ang aktor na mismo ang tutuklas sa pag-atake nito sa eksena bilang artista.

Itinuturing ni Nora na isa sa mga pinakamahalagang award ang natanggap niya ngayon.

“Hanggang grade 2 lang ang tinapos ko. Kaya nung sinabing maa-awardan [award] ako ng UP, para na akong nakapagtapos sa unibersidad,” masayang binanggit ng aktres.

Bilang pagtatapos, inanyayahan niya ang mga kasalukuyang aktor sa industriya upang magtulungan sa patuloy na pagpapaganda sa mga pelikula at programang Pilipino.

“Lalo na sa mga batang artista-- gumawa kayo ng pelikulang makabuluhan, na makikilala hindi lamang dito sa Pilipinas kung hindi [maging] sa ibang bansa.”

Binanggit naman ni Dr. Rolando Tolentino, Dekano ng UPCMC, ang pagbibigay-pugay ng bayan sa tinaguriang Superstar.

Aniya, hindi man opisyal na itinanghal bilang Pambansang Alagad ng Sining si Nora, iniluklok naman siya ng kanyang mga kababayan bilang artista ng bayan. —FRJ, GMA News