ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Heart, maglalakad patungo sa altar na mag-isa kung wala ang ama sa kaniyang kasal


Emosyunal na inihayag ng Kapuso star na si Heart Evangelista na maaaring siya lang ang makauunawa sakaling dumating ang araw ng kasal niya kay Senador Francis Escudero na wala ang kaniyang mga magulang.

Sa panayam ni Butch Francisco ng Startalk kay Heart nitong Sabado, sinabi ni Heart na nagsimula nang mag-sink in sa kaniya nitong Biyernes na ikakasal na siya. Nangyari raw ito matapos na makaharap na niya ang mga taong mag-aasikaso sa kanilang kasal tulad ng wedding coordinator, photographer at iba pa.

Bagaman may pangamba sa panibagong yugto ng kaniyang buhay, sinabi ng aktres na nangingibabaw ang kasiyahan sa nalalapit niyang paglagay sa tahimik.

"Super exciting pero natatakot din ako. Parang it's a different stage, different chapter sa buhay mo. Pero more than anything I'm really the happiest girl now," pahayag niya.

Ipinabatid din ni Heart na plano nila ni Escudero na gawin ang kanilang kasal sa Pebrero 14, 2015, na masasabay sa kaniyang ika-30 na kaarawan.

Wala pa raw silang naiisip na lugar kung saan ito gaganapin pero posibleng malayo umano.

Nais daw kasi nila ng nobyo na maging very private at very intimate ang kanilang kasal.



"Gusto rin namin meron kaming, two days kumbaga siya [ang wedding]; meron kaming isa na faraway kami from the reality of our lives. We could really stop time and enjoy the moment. And then we go back to Manila and celebrate with everybody," pahayag ni Heart sa plano nila ni Escudero.

Sinabi rin ni Heart na inililista na rin nila ni Escudero ang bubuo sa kanilang entourage. Magiging bahagi umano ng kasal ang kambal na anak ng senador sa una nitong asawa.

Samantala, hindi pa raw niya nakakausap si Sen. Miriam Defensor-Santiago na naging tulay para magkakilala sila ni Escudero.

Dahil sumasailalim sa gamutan si Santiago dahil sa sakit na cancer, umaasa si Heart na makadadalo sa kanilang kasal ang mambabatas.

Sa araw ng kasal

Hindi naman napigilan ni Heart na mapaiyak at maging emosyunal nang mapag-usapan ang kaniyang mga magulang at ang pamamanhikan na bahagi ng tradisyon sa kasal ng mga Filipino.

Bagaman hindi sinagot ni Heart kung may nakatakdang araw na sa pamamanhikan ng mga Escudero, sinabi ng aktres na "first step" na ang ibinigay na blessing o pahintulot ng kaniyang mga magulang nang ganapin ang engagement nila sa Sorsogon noong nakaraang linggo.

Idinagdag pa ng aktres na sapat na rin para sa kaniya ang inihandang video message at text message na ginawa ng kaniyang ama.

Matatandaan na nagpahayag ng pagtutol ang mga magulang ni Heart sa pakikipagrelasyon ng aktres noon sa senador.

Nagpasalamat si Heart sa kaniyang mga magulang sa ginawang pag-aalaga, mga sakripisyo at pagpapalaki sa kaniya.  Hindi man daw sabihin ng kaniyang ina, batid daw ng aktres ang mga agam-agam nito.

"I'm sure one day you will be happy for me, more confident that I made the right choice," bahagi ng mensahe ni Heart sa ina.

Sa kaniya namang ama, sinabi ni Heart na mahirap ang pakiramdam na wala ang kaniyang mga magulang sa araw nang kanilang engagement ni Escudero.

"Mahirap na pakiramdam mong pinapamigay ka na wala sila doon, but yung effort niya na mag-text, sabihin niya sa akin na masaya siya para sa akin is good enough for me," naiiyak na pahayag ni Heart.

"Maybe not everybody will understand kung dumating yung araw na ikakasal ako at wala sila doon, ako lang ang makakaintindi no'n. Kung masyado siyang masasaktan seeing me go, I understand because what he did for me is really good enough," dagdag pa niya.

Kung hindi man daw dumalo ang ama sa kasal para ihatid siya sa altar, sinabi ni Heart na maglalakad siyang mag-isa dahil walang maaaring pumalit sa kaniyang ama para ihatid siya sa altar.

Mensahe naman ni Heart sa kaniyang future husband na si Escudero, "to find somebody that understands you and loves you, I'm so blessed to have you in my life."

Tiniyak din ni Heart na walang magbabago sa kaniya kahit pa maging Mrs. Escudero na siya.
 
"Marriage shouldn't change you. It should make you a better person, and it should develop you into the woman that you supposed to be," ayon sa aktres. — FRJimenez, GMA News