Mark Gil, may isang plano na hindi nagawa bago pumanaw, ayon kay Rez Cortez
Nitong Lunes, Setyembre 1, pumanaw ang batikang aktor na si Mark Gil, o Raphael Joseph de Mesa Eigenmann, sa edad na 52 dahil sa sakit sa atay. Ayon sa kaibigan niyang si Rez Cortez, may isang plano si Mark na hindi na nito nagawa bago iwan ang kaniyang mga mahal sa buhay.

Nagmula si Mark sa isang prominenteng pamilya sa showbiz. Anak siya nina Eddie Mesa at Rosemarie Gil, at kapatid niya sina Michael de Mesa at Cherie Gil.
Tila naipamana rin ng aktor ang galing sa pag-arte sa kanyang mga anak na sina Gabby, Aira, Maxine, Andi at si Tim, na mas kilala bilang Sid Lucero.
Sa episode ng programang Tunay na Buhay ni Rhea Santos, ginunita ng mga matalik na kaibigan ni Mark na sina Bembol Roco at Rez Cortez ang alaala ng namayapang aktor.
Ayon kay Rez, na kaibigan ni Mark sa loob ng humigit-kumulang 30 taon, seryoso man ang mga papel na ginagampanan ni Mark sa pelikula at telebisyon, masayahing tao naman daw ito sa tunay na buhay.
“He's always been bubbly. Pero seryoso siya sa mga bagay-bagay tulad ng trabaho natin bilang artista,” pahayag ni Rez.
Inalala naman ni Bembol ang isa sa mga hindi niya malilimutang alaala ng kanilang pagkakaibigan.
“Parang 'di ko makalimutan yung nagsuntukan kami sa Davao dahil nagkapikunan lang. Pero pagkatapos na pagkatapos ng suntukan namin, nagyakapan naman kami, parang mga timang,” natatawa niyang kuwento.
Ayon pa kay Bembol, lumalim ang pagkakaibigan nila dahil sa madalas na pag-uusap at pagpapalitan ng mga pananaw, maging ang pagbibigay ng payo at tulong sa isa't isa sa tuwing may nangangailangan.
Mark Gil bilang artista
Nagsimula ang showbiz career ni Mark Gil noong 1980 matapos gumanap sa mga pelikulang "Underage" at "Miss X." Noong sumunod na taon, napabilang siya sa "Pabling," "Bilibid Boys" at "Kasalanan Ba?"
Ngunit ang karakter na pinakatumatak sa mga manonood ang ginampanan niya sa pelikulang "Alpha Kappa Omega Batch '81" na ipinalabas noong 1982. Sa pelikulang ito, isa siyang college student na nakasaksi at nakaranans ng pagpapahirap sa mga estudyanteng sumasali sa isang fraternity.
Ayon kay Bembol, “Kapag sinabi mong Mark Gil ay isang magaling na artista, dedicated sa kanyang trabaho, isang seryoso at napaka-intense na artista.”
Matapos nito, sunod-sunod na ang mga proyekto ni Mark, hindi lamang sa pinilakang tabing, kung hindi maging sa telebisyon.
Nakabilang siya sa ilang teleserye sa GMA gaya ng "Ang Iibigin Ay Ikaw Pa Rin" noong 2003," Hanggang Kailan" noong 2004, "Atlantika" noong 2006, "Sine Novela: Sinasamba Kita" noong 2007, at "Sine Novela: Gaano Kadalas ang Minsan" sa sumunod na taon.
Sumabak din si Mark sa paggawa ng indie film noong 2009 para sa pelikulang "Puntod."
Matapos mapag-alamang mayroon siyang karamdaman noong 2012, hindi napigilan nito ang aktor na palawakin pa ang kanyang napiling propesyon.
Nakasama siya sa teleseryeng "Makapiling Kang Muli" kung saan gumanap siya bilang ama ng karakter ni Mark Anthony Fernandez, at nasundan pa ito ng teleseryeng "Pahiram ng Sandali" noon ring 2012.
Noong sumunod na taon, nakasama si Mark sa epic fantaseryeng "Indio" na pinagbidahan nina Sen. Bong Revilla, Jennylyn Mercado at ng kapatid niyang si Michael de Mesa.
Huling proyekto ni Mark sa GMA ang teleseryeng "My Husband's Lover " bilang ama ng karakter ni Carla Abellana.
Mark Gil bilang Ama
Sa kabila ng matagumpay na career, ang pinakamahalagang papel pa rin na ginampanan ni Mark ay ang pagiging isang ama.
“Sobra niyang mahal ang lahat ng anak niya. Sobra siyang dedicated sa kanila. (Hanga) nga ako sa pag-aalaga niya sa mga anak niya,” ani Bembol.
Bukod sa pagiging mabait na tao, maalalahaning katrabaho, maaasahang kaibigan at mapagmahal sa kanyang pamilya ang namayapang aktor.
“Si Ralph ay isang romantikong tao. Mahal niya ang kanyang mga anak (at ang kaniyang) pamilya,” ayon kay Rez.
Matapos ma-diagnose sa kaniyang sakit, walang raw masyadong ipinagbago si Mark.
“Wala masyadong nagbago sa look niya. Kasi minsan pumapayat siya, tumataba. Ganun naman kami eh. Minsan pinag-uusapan pa nga namin na 'Use it! Di ba ang role mo naman may sakit, eh di gamitin mo na yung may sakit ka dahil nasa advantage mo yon,'” kwento pa ni Rez.
Hindi rin daw gusto ni Mark na uminom ng gamot o magpatingin sa duktor. Nais na lamang daw tanggapin ng aktor ang anomang kahihinatnan niya.
Basahin: Mark Gil, piniling itago sa publiko ang kanser sa atay
Nito lamang Hunyo nalaman ni Rez na malubha na pala ang kalagayan ng kaibigan.
“Two years ago, nabanggit sa amin ni Michael na si Mark nga ay mayroon sakit pero ayaw ipaalam. Basta ang sabi ay parang,' wag na lang nating pag-usapan, 'wag na lang natin ipaalam sa iba,” kwento pa ng aktor.
Pinagsisihan din daw ni Mark ang pagkalulong sa bisyong alak.
“'Yon [alak] ang kaniyang weakness. Ayaw na niya pero hinid niya rin mapigilan. Ilang beses na siya nag-try na tumigil sa pag-inom pero bumabalik at bumabalik rin,” banggit nito.
Dahil sa labis na pag-inom ng alak, nagkaroon si Mark ng liver cirrhosis, isang sakit sa atay.
Gayunpaman, hindi raw ito nais pagtuunan ng pansin ng aktor.
“Sa tingin ko kasi mas gusto ni Mark na 'wag bigyan ng focus, 'wag bigyan ng attention yung kaniyang sakit. Parang ganun siya kalakas, parang kung anoman ang mangyari, okay na sa kanya,” ayon kay Rez.
Planong 'di na naisagawa
Ibinahagi rin ni Rez ang nabanggit sa kaniya noon ng kaibigang si Mark tungkol sa plano nitong pakasalan ang asawang si Maricar.
Kuwento ni Rez kay Rhea, “Naalala ko lang yung sinabi niya sa akin na sana, bago siya mawala, eh kung pwede sana, magpakasal silang dalawa ni Maricar.”
Pero dahil hindi nila inaasahan ang maagang pagpanaw ni Mark, hindi na ito nagawa.
"Ako naman baka naman may time pa, so nagrerelax-relax muna pero yun...sana nangyari yung kaniyang wish na 'yon," dagdag ni Rez.
Sakabila ng pinagdaanan sa kaniyang karamdaman, naniniwala si Rez na napaghandaan ni Mark ang araw nang paglisan nito sa mundo.
Basahin: Mark Gil 'died peacefully in his sleep in the arms of his wife'
Sa opisyal na pahayag na binasa ng pamilya Eigenmann, sinabing payapang pumanaw si Mark bisig ng maybahay nito.
Sa paglisan ng beteranong aktor na si Mark, nag-iwan naman siya ng masasayang alaala, hindi lang sa pagiging mahusay na artista kung hindi maging sa pagiging isang mabuting ama, asawa at kaibigan. -- BRDabu/FRJ, GMA News