Charice sa pagbabati nila ng ina: 'Finally, hindi lang ako ang malaya, tayong pamilya'
Sa live interview ng Startalk nitong Sabado, pinasalamatan ni Charice ang kaniyang inang si Raquel Pempengco dahil natanggap na nito ang kaniyang pagiging lesbian at relasyon nila ni Alyssa Quijano.
Habang isinasagawa nina Startalk hosts Lolit Solis at Joey de Leon ang panayam, nasa studio rin at nanonood si Alyssa.
Kuwento ng Pinay international singer, nasa Amerika siya nang magpalitan sila ng e-mail ng kaniyang ina nitong nakaraang June.
Nang gabi rin iyon, nagkausap silang mag-ina via Skype at sa unang pagkakataon ay hinanap umano ni Gng. Pempengco si Alyssa.
Ipinasabi umano ng ina na "mommy" na ang itawag sa kaniya ni Alyssa, patuloy pa ni Charice.
At nitong nakaraang linggo, nag-upload si Charice ng larawan sa kaniyang Instagram account na magkasama silang mag-ina, pati na sina Alyssa at kapatid niyang si Carl. (Basahin: Reconciliation, finally? Charice posts 'family photo' with mom).
Sa tanong kung nakaapekto ba sa career niya ang ginawang pag-amin na siya ay lesbian, sinabi ni Charice na marami ang nagulat at mayroon din namang nadismaya.
Pero sakabila ng lahat, nagpasalamat si Charice sa mga tagasuporta dahil mas naramdaman daw niya ang pagtanggap at pag-unawa ng mga tao lalo na sa mga Pilipino na kilalang konserbatibo.
Nang tanungin kung ano ang mensahe niya para sa ina, pabirong panimula ni Charice, "Gusto ko pong ulam mamaya adobo."
Pero sa seryoso niyang mensahe, pinasalamatan ni Charice ang ina sa pagtanggap nito sa kaniya at sa pag-unawa.
"Alam ko naman nandun yung love kahit na anong nangyari sa past few years," anang mang-aawit.
"Yung bonding naming pamilya ngayon 'yon yung dream bonding ko nung time na 'nagtatago' pa si Charice," dagdag niya.
Sinabi pa ni Charice na namana niya sa ina ang pagiging matapang at malakas ang loob kaya nagawa niyang ipaalam sa publiko ang tunay niyang pagkatao.
At sa kanilang pagkakabati, sinabi ni Charice na, "Finally hindi lang ako ang malaya, tayong pamilya."
Samantala, sinabi rin ni Charice na wala pa silang balak ni Alyssa na magpakasal.
Nais daw nilang mag-enjoy muna na kasama ang isa't isa, magtrabaho at makapag-ipon.
Nang tanungin kung ano ang mensahe niya kay Alyssa, inawit ni Charice ang bahagi ng kantang "(Everything I Do) I Do It For You."
"Look into my eyes – you will see
What you mean to me.
Don't tell me it's not worth tryin' for.
You can't tell me it's not worth dyin' for.
You know it's true:
Everything I do, I do it for you."
Samantala, sinabi naman ni Charice na ipalalabas sa Oktubre 19 sa programa ng kaniyang ninang na si Oprha Winfrey ang one-on-one interview sa kaniya. -- FRJimenez, GMA news