ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Rocco Nacino, nasugatan sa totoong sibat na ginamit sa set ng 'Ibong Adarna' movie


Matapos itanghal bilang 2nd Prince sa Starstruck Season 5, tuloy-tuloy ang pag-arangkada ng showbiz career ni Rocco Nacino bilang isa sa mga certified Kapuso leading man.

Kamakailan lamang, kabilang siya sa mga hunk na rumampa sa isang underwear fashion show. May bago rin siyang primetime series kasama sina Kris Bernal at Dennis Trillo ang aktor.

Ngayon naman, bibida si Rocco sa panibagong pagtatanghal ng classic Pinoy story na pinamagatang "Ibong Adarna: The Pinoy Adventure."

Kasama niya sa pelikulang ito ni Direk Jun Urbano ang ilang batikang aktor, kabilang sina Joel Torre, Angel Aquino, Benjie Paras, at Leo Martinez.



Sa panayam ng "Celebrity Hot Seat" sa GMA news Unang Hirit, inihayag ni Direk Jun ang paghanga nito sa galing ni Rocco. Aniya, nagpakita ng malalim na pag-arte ang aktor kaya naging madali ang shoot nila sa mga eksena.

Hindi rin rin nga nalaman kaagad ni Direk Jun ang insidenteng nangyari sa set kung saan nasugatan si Rocco dahil sa paggamit ng totoong sibat na tumama sa likod ng aktor.

Kuwento ni Direk Jun, kinukunan nila ang fight scene ni Rocco at mga kalaban nito na armado ng sibat nang mapansin niya na lumayo ang aktor at hinahawakan ang likuran nito.

Nangingiting sinabi ni Rocco na, "bumaon sa likod ko pero okey lang."

Pabiro pa niyang sinabi na isa iyong 'battle scar.'

Hindi na rin naman daw kinailangang na dalhin siya sa ospital.

“One good thing about being a nurse,” natatawa pa ring pahayag ni Rocco.

Sambit naman ni Direk Jun,. "Nagalit ako nun, kasi shooting lang naman 'yan hindi naman dapat patayin si Rocco dun di ba?."

Ipinagmalaki nina Direk Jun at Rocco na maganda ang pelikula na sadyang ginawang para sa mga Filipino. Binigyan din umano nila ng halaga ang mga tanawin sa bansa na magiging tulong sa turismo ng bansa.

Ipapalabas ang 'Ibong Adarna: The Pinoy Adventure' sa mga sinehan sa October 1, at magkakaroon ng premier na sponsored ng PAGCOR sa September 29, na ang magiging benepisaryo ay ang National Press Club. -- BRDabu/FRJ, GMA News