Rachelle Ann Go at Lea Salonga, nagtanghal sa 25th anniversary reunion show ng 'Miss Saigon'
Muling napanood sa West End stage sa London nitong September 22 sa Prince Edward Theater ang original cast ng "Miss Saigon" -- kabilang si Lea Salonga -- para sa reunion performance sa 25th anniversary ng sikat na musical play.
Kabilang sa mga nagtanghal ay sina Lea Salonga, Simon Bowman, at Jonathan Pryce na muling gumanap bilang sina Kim, Chris, at The Engineer. Kasama ang kasalukuyang cast ng "Miss Saigon" na sina Eva Noblezada, Alistair Brammer, Jon jon Briones, Rachelle Ann Go at iba pa.
Hindi naman naitago ni Rachelle ang kasiyahan nang maka-duet si Lea sa kantang "Movie in My Mind."
Aniya sa isang Instagram post, “I am still overwhelmed! Last night was just phenomenal. I still could not believe I was part of the 25th anniversary of Miss Saigon. God is amazing! Thank you to Ms. Lea Salonga who asked me 2 years ago if I was going to audition for Miss Saigon, salamat po. I didn't imagine we are going to share a West End stage. Haaay... You are an inspiration. I will forever be grateful to all the people who helped me reach my dreams. Yes, dreams do come true.”
Naging emosyonal ang gabi nang alalahanin ng original cast ang kanilang mga pinagdaanan sa pagganap sa "Miss Saigon."
Matatandaang 17-taong-gulang pa lamang noon si Lea nang makuha ang role na Kim sa West End debut ng sikat na musical na pinangunahan ni Sir Cameron Mackintosh. Si Lea rin ang gumanap na Kim sa Broadway production ng Miss Saigon noong 1991.
Masayang-masaya naman ang batikang singer para sa kasalukuyang cast. Aniya, nararapat lang din daw silang makatanggap ng nominations mula sa Olivier, kung saan nanalo si Salonga ng best actress in a musical noong 1990.
Ngunit higit sa lahat, proud na proud si Lea sa kababayang si Rachelle Ann Go, na gumaganap ngayon bilang si Gigi sa Miss Saigon.
First emotional gulp of the night: watching Rachelle Ann Go. Because it's Rachelle Ann Go, and I'm so bleeping happy for her! #MissSaigon25
— Lea Salonga (@MsLeaSalonga) September 18, 2014
Mapapanood ang 25th anniversary reunion performance ng "Miss Saigon," na pagsasamahan ng 1989 at 2014 cast, sa BBC Radio sa September 28. -- BRDabu/FRJ, GMA News