ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Charice, naglabas ng hinaing tungkol sa panlalait sa kaniya ng ilang kapwa-Pilipino
By BIANCA ROSE DABU, GMA News
Nitong Lunes, nag-post ang singer na si Charice Pempengco sa kanyang Instagram account ng hinaing hinggil sa pagtrato sa kaniya sa sariling bansa.
Ayon kay Charice, sa kabila ng pagiging kabilang sa iba't ibang international shows, hindi niya alam kung bakit tila iba pa rin ang turing sa kanya ng mga kababayan.
“Sa ilang taon na nagta-trabaho ako, hindi man kasing tagal ng ibang idols niyo, mahirap pa rin yung pinagdaanan ko. Nakikipagsapalaran sa bansang 'di ko kinalakihan," aniya.
"Napasama ako sa mga malalaking TV shows pero pagdating ko dito, iba pa rin ang hinahanap sa akin, iba pa rin ang nilalait sa akin. Pananalita ko, itsura ko, buhok ko, sekswalidad ko, buhay ko, lahat na."
Nalulungkot pa ang singer dahil pati ibang artista ay nakikisali sa panlalalit umano sa kanya. Tinatatagan niya na lang daw ang kanyang loob dahil hindi na niya gusto ang inaapi at pinagtatawanan siya.
Bukod sa paghingi ng respeto mula sa mga kapwa-Pilipino, nagpapasalamat rin si Charice sa Diyos at sa mga nagmamahal sa kanya dahil pinatatag siya ng mga ito.
"Aminin na natin na pag kumakanta ako dito, nakakatakot buksan ang ibang social networks. Ang daming bully," ani Charice.
Dagdag pa ng aktres, kuntento na umano siya basta nariyan ang mga taong nagmamahal sa kanya. "Patuloy ang buhay!" ayon sa kanya. — JST, GMA News
Tags: charicepempengco
More Videos
Most Popular