Naniniwala ka ba sa 'sundo' ng mga taong malapit nang pumanaw?
Hahangarin mo ba na nagkaroon ng kakaibang kakayahan na makita ang tinatawag na mga kaluluwang "sundo" ng mga taong malapit nang pumanaw, lalo na kung ikaw ay isang nurse na nagtatrabaho sa ospital kung saan marami ang binabawian ng buhay?
Sa episode ng Magpakailanman sa Sabado, tatalakayin ni Tita Mel Tiangco ang buhay ng tubong La Union na si "Jessa" Monte, isang nurse, na may kakayahang makakita ang mga elemento at kaluluwa, pati na ang mga tinatawag na "sundo" ng mga taong malapit nang sumakabilang buhay.
Basahin: Midnight Stories: Visitors from beyond
At dahil isa siyang nurse na nagtatrabaho sa mga ospital, hindi maiwasan na makita niya ang mga "sundo," na noong una ay inaakala lang niyang karaniwang tao na bumibisita sa mga pasyente.
Naniniwala si Jessa na ang pambihirang kakayahan na makakita ng mga kaluluwa at elemento ay namana niya sa kaniyang lola kung saan sila lumalaki ng kaniyang kapatid na babae.
Limang-taong-gulang pa lang daw si Jessa nang madalas siyang makakita ng isang babae na akala niya ay kamag-anak pero hindi naman nakikita ng iba. Naging masasakitin din siya noon at kapag tinatawas ay isang babae umano ang lumalabas na anyo.
Dahil napapanaginipan din niya ng mga taong tila sinusundo siya, naging mahigpit na bilin ng kaniyang lola na huwag na huwag siyang sasama sa mga ito.
Pagdating niya nang high school, patuloy siyang nakakakita ng mga nilalang na hindi nakikita ng karaniwang mata. Isang kaibigan umano ni Jessa ang nagpayo sa kaniya na huwag kakausapin ang mga ito upang hindi siya gambalain.
Nang mag-training na bilang nurse, hindi makakalimutan ni Jessa ang insidente nang makakita siya ng isang lalaking nakabarong sa kuwarto ng isang pasyente sa isang ospital sa Quezon City. Dahil inakalang tao ang nakita, hindi iyon pinansin ni Jessa.
Pero nang lumabas ng kuwarto ang nagbabantay sa naturang pasyente, nabanggit ni Jessa ang tungkol sa lalaking nakabarong. Matapos niyang ilarawan ang anyo ng lalaki, doon na sinabi ng bantay na kaanak nila iyon pero patay na.
At hindi nagtagal, pagsapit ng 3:00 a.m., pumanaw ang pasyenteng pinuntahan ng "sundo."
Naikuwento ni Jessa sa mga kaklase ang kaniyang nakita, at ang mga kaibigan na ang nagsabi sa kaniya na posibleng ang mga tinatawag na kaluluwang "sundo" ang kaniyang nakita.
Nangyari pa kay Jessa ang mga ganitong insidente sa ilan pang ospital na kaniyang napuntahan. Kabilang na ang pagkalabit sa kaniya ng isang bata habang nasa isang ospital sa Ilocos.
Nagtanong daw ang bata kay Jessa kung nakita nito ang kaniyang ama. Ngunit pagtingin niya sa isang kuwarto, nakita ni Jessa ang katawan ng bata na pilit na isinasalba ng mga duktor ang buhay hanggang sa pumanaw rin.
Sa Sabado, Nobyembre 1, subaybayan ang buong kuwento sa buhay ni Jessa sa Magpakailanman, at alamin kung papaano niya lubusang tinanggap ang kakaiba niyang kakayahan para harapin at tuluyang kausapin ang mga kaluluwa, lalo na ang mga may nais ibilin sa kanilang maiiwan na mahal sa buhay. -- FRJ, GMA News