ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nakalilimot ang isip pero hindi ang puso: Pag-iibigan na sinubok dahil sa amnesia


Papaano muling titibok ang puso ni Jeland kay Faith?
Sa usapin ng pag-ibig, pinagtatalunan kung ano ang dapat pairalin-- puso o isip? Pero papaano kung magkaroon ng amnesia ang isang tao? Makilala pa kaya nito ang kaniyang minamahal sa pamamagitan ng tibok ng puso?
 
Sa mga pelikula at teleserye, karaniwang tema na ang tungkol sa pag-iibigan ng mga pangunahing karakter na iikot ang istorya sa pagkakaroon ng amnesia ng isang bida. Kalaunan sa kuwento, magbabalik ang alaala ng bida para sa isang happy ending.

Pero ang ganitong kuwento, nangyayari pala sa tunay na buhay. (Basahin: True love endures: Remembering the husband who forgot his own love story)

Sa "Magpakailanman" ni Tita Mel Tiangco sa darating na Sabado, Nobyembre 8, ibabahagi ni Faith Bacon ang mga pagsubok na pinagdaanan nila ng kaniyang mister na si Jeland de Guzman, na  naaksidente at nabagok ang ulo na dahilan ng pagkawala ng malaking bahagi ng alaala nito sa buhay.

Panoorin kung papaano hinarap ni Faith at kaniyang mga anak ang pagsubok upang matulungan si Jeland na maibalik ang naburang mga alaala.

Nang dahil kasi sa amnesia, naging maiinitin ang ulo ni Jeland. Pati ang kaniyang pag-uugali at pakikitungo sa kanilang anak, naapektuhan.

Sa episode na, “Ang Pusong ‘Di Makalimot: The Faith Bacon Story,” ilalahad ni Faith ang pag-ibig sa kaniya ni Jeland -- ang lalaking nagmahal sa kaniya, nakalimutan siya, at nagawang mahalin siyang muli kahit hindi na tuluyang bumalik ang alaala nito hanggang sa bawian ng buhay.

Ito ay sa direksyon ni Maryo J. delos Reyes, mula sa panulat ni Michiko Yamamoto, at mananaliksik ni Jessie Villabrille.

Mapapanood ang "Magpakailanman" sa Sabado, Nov. 8, pagkatapos ng "MARIAN." -- FRJ, GMA News