ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Bakit walang balak magpakasal si Gardo Versoza?


Nakilala si Gardo Versoza bilang isa sa mga artistang bumihag sa  puso ng mga kababaihan matapos malinya sa pagpapa-sexy at gumanap bilang "Machete."
 
Marami man ang na-link sa kanya sa showbiz, kabilang na ang ilan niyang leading ladies tulad nina Rita Avila at Jean Garcia, sa labas pa rin ng showbiz nahanap ni Gardo ang babaeng kaniyang minahal.
 
Siyam na taon na ang relasyon ni Gardo kay Ivy Vicencio, at nabiyayaan na rin sila ng anak na si Uziel noong nakaraang taon lamang.
 
Marami tuloy ang nagtataka kung bakit hindi pa rin ikinakasal ang aktor sa kaniyang long-time partner at ina ng kanyang anak.
 


Ayon kay Gardo sa isang panayam sa Tunay na Buhay nitong linggo, nangako siya sa kaniyang ina na hindi kailanman magse-settle down bilang sukli sa pagmamahal na ipinakita nito noong bata pa sila hanggang sa yumao ang ina.
 
“Sabi ko, taga niya 'yan sa bato, hanggang sa pagkikita namin sa next life, walang kakabit sa pangalan ko,” kuwento ng aktor.
 
Hindi naman daw naging problema sa kanila ni Ivy ang kaniyang desisyon. Ayon kay Gardo, “Siguro napa-feel ko sa kaniya na my heart belongs to her, kaya buong-buo yung kumpiyansa niya na siya lang.”
 
Sabi naman ni Ivy, “Naging maganda naman yung pag-uusap namin tungkol doon, at hindi naman talaga [kasal] yung panghahawakan niyo para umayos yung relasyon niyo.”
 
Sa katunayan, naging mabuting kasintahan nga raw si Gardo sa kabuuan ng kanilang pagsasama, at patuloy na nagiging mabuting ama sa kanilang anak.
 
“Paggising ko sa umaga, automatic may kape, o kaya may breakfast na ako. Nakapagluto na siya. Spoiled din ako,” ani Ivy.
 
Kuwento pa ni Gardo, bukod sa nagkaroon siya ng inspirasyon na lalong paghusayin ang trabaho, naging palalabas din daw siya simula nang ipanganak si Uziel, na nagdiwang ng kaniyang unang kaarawan kamakailan lamang.
 
Masaya naman ang mga kaibigan ni Gardo para sa kaniya, kabilang na ang dating leading lady at ninang ni Uziel na si Rita Avila, at ang aktor at ninong ng kanilang anak na si Ricky Davao.
 
Birong kuwento ni Ricky, “Parang ngayon, mas naging motherly siya. Mas caring siya ngayon sa lahat ng tao.” -- BRDabu/FRJ, GMA News
 
 

Tags: tunaynabuhay